Black Widow (139)
“SIGE na, Jose, halikan mo ako,” sabi ni Jam na para bang nawala na ang pagkapropesyunal nito at ipinakita na ang pagkagahaman sa “laman”. Hindi kaya maysakit si Jam kaya nagkakaganito? Ang alam niya, ang babaing may matinding pagnanasa sa sex ay tinatawag na nympho. Hindi kaya nympho si Jam?
Hindi ginawa ni Jose ang hiling ni Jam na halikan ito. Nakatingin lang siya kay Jam.
“Halikan mo ako!” sabi ni Jam na mataas na ang boses.
“Huwag kang sumigaw, maaaring marinig tayo ng guwardiya.’’
“Wala akong pakialam kung may makarinig. Basta halikan mo ako, tapos.”
“Puwede ba sa bahay mo na? Baka may makakita sa atin dito,’’ sinabi iyon ni Jose para matahimik na si Jam.
“Hindi puwede!’’ Sabing matigas ni Jam na para bang angkin na siya.
Naiinis na si Jose pero nagtimpi siya. Hindi siya dapat magpakita na naiinis o nagagalit man lang.
“Kapag hindi mo ginawa ang sinasabi ko, mag-eeskandalo ako rito. Sisigaw ako at tiyak na darating ang guwardiya. Sasabihin ko nire-reyp mo ako.’’
Sira na nga yata ang ulo ni Jam. Ipapahamak pa siya. Delikado ito. Baka kung ano mangyari.
“Hindi mo ba ako hahalikan Jose?’’
Bantulot si Jose. Bakit ba siya nasabit sa babaing ito? Nasa bahay na sana siya kung hindi siya naging maginoo.
Hindi pa rin hinalikan ni Jose si Jam.
Nagulat si Jose nang makitang hinuhubad ni Jam ang blusa. Nalantad ang bra nito. Hanggang wala nang pang-itaas si Jam.
“Mag-eeskandalo ako rito! Mag-eeskandalo ako!” sabi ni Jam na lalo pang itinaas ang boses. Desperado na nga ang babaing ito. Gagawin ang lahat para matupad ang hinahangad.
Kinabahan naman si Jose sa ginagawa ni Jam. Hindi na nito iniisip ang ginagawa. Ipapahamak talaga siya ng babaing ito. Mukhang hindi nagbibiro.
“Hahalikan mo ba ako o hindi?” tanong muli ni Jam.
Atubili si Jose. Napipikon na siya sa ginagawa ni Jam. Sampalin na kaya niya ito para matauhan.
“Ayaw mo talaga ha?” Sabi ni Jam at saka dahan-dahang hinubad ang palda.
“Huwag!”
(Itutuloy)
- Latest