Black Widow (129)
PROBLEMA para kay Marie kung paano sasabihin kay Jam na mayroon na silang relasyon ni Jose. Kahit na nga sinabi sa kanya ni Jose na dapat nang ipaalam kay Jam ang lahat, nahihirapan siya kung paano iyon gagawin. Kung hindi naman niya iyon gagawin, patuloy na magpapakita ng motibo si Jam kay Jose.
Sa dakong huli, ipinasya ni Marie na makipagkita kay Jam para ipaalam ang lahat. Bahala na. Para matigil na ang mga pag-aalala niya.
Tinawagan muna niya si Jam. Tila nagulat si Jam.
‘‘Magkita tayo, Jam,’’ sabi niya.
‘‘Bakit ?’’
‘‘May sasabihin ako. Importante. Puwede ka mamayang hapon?’’
Hindi agad nakasagot si Jam. Nag-isip muna. Parang nahuhulaan na niya kung ano ang sasabihin ni Marie kaya makikipagkita.
“Sige, anong oras?’’
“Mga 6:00. Dun sa restaurant sa mall sa North EDSA.’’
‘‘Okey, Marie. Pero ano ba ang sasabihin mo?’’
‘‘Mamaya na lang Jam.’’
‘‘Sinusorpresa mo naman ako.’’
‘‘Hindi naman gaanong sorpresa. Basta mamaya na lang.’’
‘‘Hmmm, sige. Tayong dalawa lang?’’
‘‘Oo naman.’’
EKSAKTONG alas sais ay nasa restaurant na si Marie. Sa may pinto siya pumuesto para makita si Jam. Makalipas ang limang minuto ay nakita na niya si Jam.
Pagpasok ay sinenyasan niya ito. Nakita agad siya at nilapitan.
Beso-beso sila. Pero pakiramdam ni Marie, tila may harang na sa pagitan nila. Hindi tulad noon. Basta, mayroon nang kakaiba sa kanila.
Nag-order muna sila ng pagkain. Pagkatapos maka-order, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Marie. Binuksan na niya ang topic kung bakit siya nakipagkita kay Jam.
“Hindi kita sinunod sa payo na hindi na ako dapat pang mag-asawa, Jam. Di ba payo mo, kapag nag-asawa muli ako ay baka may mangyari na naman? Hindi ko na inisip ‘yun. Sinagot ko na si Jose. May relasyon na kami.’’
Kunwari ay walang nalalaman si Jam. Nagkunwaring nabigla sa sinabi ni Marie.
“Kailan pa? Kaya pala ang sweet-sweet n’yo!’’
“May isang buwan na. Actually, nun pa siya nanliligaw pero ayaw kong sagutin dahil nga natatakot ako sa maaaring mangyari pero hindi ko pala kayang dayain ang sarili. Isa pa, hindi raw siya naniniwala na mamamatay muli ang lalaking pakakasalan ko.’’
Nakatingin lang si Jam. Hindi pa rin halata na alam na niya noon pa ang relasyon ng dalawa.
“Well, kung ‘yan ang gusto mo, ninyo pala e di wow! Sana ay maging maligaya kayo.’’
“Salamat, Jam. Magpapakasal na kami pero civil wedding lang.’’
Hindi na nakapagsalita si Jam. Parang hindi niya matanggap.
Nang dumating ang pagkain nila, kumain sila. Hindi malasahan ni Jam ang pagkain.
Pagkatapos kumain, nagpaalaman na sila. Tila wala nang init.
Pagdating ni Jam sa bahay, masamang-masama ang loob niya. Hindi siya papayag. Aagawin niya si Jose, kahit anong mangyari !
(Itutuloy)
- Latest