Black Widow (109)
PINIGIL ni Marie ang sarili na mainis kay Jose. Bakit ba siya maiinis e wala naman silang relasyon sa isa’t isa. Niyaya nga lang siya para sa isang dinner. Cool lang dapat siya kahit nakakainis.
‘‘Sorry Marie!’’ sabi nito sa kanya nang abutan sa labas ng restaurant na usapan nilang magkikita.
‘‘Akala ko kasi hindi ka na darating. Almost one and a half hour na ako rito.’’
“Sorry. Halika uli sa loob at dun ko ipaliliwanag kung bakit.’’
Hindi na nagpakipot si Marie.
Bumalik sila sa loob.
Sa ibang puwesto ng mesa na sila naupo. Ang dating inupuan ni Marie ay okupado na.
Lumapit ang babaing crew at iniabot ang listahan ng menu sa kanila.
“Pili ka na. Masarap dito ang fried chicken nila. Try natin. Best daw talaga,’’ sabi ni Jose.
Hindi nagsasalita si Marie. Hinayaan niya na si Jose ang pumili ng kanilang kakainin. Pinilit niyang alisin ang inis dahil sa matagal na paghihintay.
‘‘Okey ba sa’yo ang fried chicken, Marie? Palagay ko magugustuhan mo kasi masarap ang sukang sawsawan. Ang fried rice okey ba sa’yo.’’
Tumango si Marie.
“Ano pang gusto mo?’’
‘‘Okey na sa akin ang fried chicken.’’
‘‘Drinks?’’
“Pineapple.’’
Sinenyasan ni Jose ang crew. Nang lumapit, sinabi niya rito ang order. Nang makaalis ang crew, nagpaliwanag si Jose kung bakit late.
“Actually patungo na ako rito kanina. Palabas na ang kotse ko sa gate ng kompanya nang salubungin ako ni Jam. E di huminto ako. Sabi ni Jam ang sakit daw ng ulo niya. Parang binibiyak. Nahihilo raw siya. Migraine attack. Baka raw puwede ko siyang ihatid sa bahay niya sa Dapitan. E paano naman ako makakatanggi. Kakaawa naman dahil nahihilo. Baka kung ano ang mangyari. Pinasakay ko siya.
“Grabeng trapik patungong Dapitan. Wala naman akong magawa. Habang tumatakbo ang sasakyan ay nagkukuwento si Jam. Ako naman ay nakikinig lang. Kung anu-ano ang ikinukuwento. Nagduda nga ako kung masakit ang ulo niya.
“Nang makarating kami sa bahay niya sa Dapitan, pinilit niya akong bumaba muna. Maaga pa raw naman…”
(Itutuloy)
- Latest