Black Widow (103)
“SABI ko na nga ba at mayroon kang sasabihing kakaiba,” sabi ni Marie kay Jose.
“Sagutin mo ako Marie, nahahalata mo ba na mahal kita?’’
Hindi makasagot si Marie.
“Ang hindi raw pagsagot ay katumbas na rin ng “oo”. Ano Marie?’’
Napangiti si Marie.
“Para ka namang binata na ngayon lamang nagtatapat sa babae. Baka may makarinig sa atin e sabihing ang tatanda na ay nagbobolahan pa.’’
“Hayaan mo sila. Basta ako, sasabihin ko ang nasa puso ko. Wala akong paki kung may magsabing kakornihan ito.’’
“Hinaan mo naman ang boses mo.’’
“Okey. Hihinaan ko pero sagutin mo ako. Nahahalata mo ba na mahal kita?’’
Napangiti si Marie. Ibinaba ang paningin. Hindi niya kayang makipagtitigan kay Jose.
“Palagay ko “oo” ang sagot mo.”
“Hoy, wala pa akong sinasabi ha?’’
“Hindi ka makatingin sa akin e. Tumingin ka nga sa akin.’’
Tumingin si Marie.
“O, nakatingin na ako.’’
“Hmmm, totoo nga.”
“Anong totoo?’’
“Na mayroon kang nararamdaman sa akin.’’
Naitakip ni Marie ang kanang palad sa bibig at saka humagikhik.
“O ‘yang paghagikgik na ‘yan ay palatandaan na mayroon kang pagmamahal sa akin.’’
“Hoy Jose, magtigil ka nga.’’
“Aminin mo na, Marie, hindi na naman tayo tinedyer na nagpapatsarmingan. Lipas na ang panahong iyon.’’
Natahimik si Marie. Talagang ayaw siyang tigilan ni Jose. Gusto nitong malaman ang damdamin niya.
“Natatandaan mo pa ba ang sinabi ko noon na ang mga lalaking nagpapakasal sa akin ay namamatay.’’
“Oo. Hindi ko nalilimutan ‘yun.’’
“Hindi ka natatakot na mamatay?’’
“Nagkataon lang ‘yun.’’
“Tuwing ika-10 taon ay namamatay ang kapartner ko. Patibay ang tatlo kong dating asawa.’’
“Hindi totoo ‘yun, Marie. Patutunayan kong hindi totoo ang mga nangyari sa iyo. Magpakasal tayo.’’
Nag-isip si Marie. Talagang pursigido si Jose.
“Paano kung ako na ang mamatay?’’
Hindi naman makasagot si Jose.
“Sabi kasi ng manghuhula, baka ako ang mamatay.’’
(Itutuloy)
- Latest