Black Widow (93)
“KAYSA magtrabaho ako sa abroad gaya nang sinabi ko sa’yo, mas mabuti yata dito na lang,” sabi ni Jam. “Baka may bakante kina Jose, pakibanggit mo ha?’’
Napatangu-tango lamang si Marie.
“Tama ka na kung mag-aabroad ako baka mapahamak lamang ako. Di ba maraming Pinay ang pinagsasamantalahan ng amo.’’
Tumango muli si Marie.
“Baka mas madali kung malimutan ang problema kung may trabaho ako.’’
“Sige itatanong ko kay Jose kung may bakante sa kanila.’’
“Salamat Marie. Kaibigan talaga kita.’’
“Sa ating opisina, ayaw mo nang bumalik? Tatanggapin ka pa roon dahil wala ka namang record.’’
“Ayaw ko na roon, Marie. Tiyak na marami ang magtatanong kung ano ang nangyari sa akin. Uuriratin ako. Hanggang sa pagtsismisan ako.’’
“Sabagay.’’
“Isa pa, hindi ko ugaling bumalik sa iniwan ko na. Sa iba na lang ako maghahanap. Mayroon pa naman sigurong tatanggap sa akin kahit paano.’’
“Oo naman. Hindi ka pa naman senior, he-he!’’
“Baka sakaling matulungan ako ni Jose e di mas maganda.’’
“Hayaan mo at babanggitin ko sa kanya.’’
“Okey lang sa akin kahit maliit ang suweldo. Ang mahalaga ay malibang ako.’’
“Oo, tama ang naisip mo. Mas maganda nga na may trabaho para may pinagkakalibangan.’’
“Kapag may trabaho na ako, baka magbago na ang takbo ng buhay ko. Baka malimutan ko na ang mga problema.’’
Nakatitig si Marie sa kaibigan. Naaawa na naman siya rito.
NANG magkita sina Marie at Jose ay nagkayayaan silang kumain sa isang restaurant. Libre ni Jose. Nataas daw ng posisyon. Sinamantala ni Marie ang pagkakataon para sabihin kay Jose ang hiling ni Jam.
“Nakikiusap si Jam sa’yo.’’
“Ano yun?’’
“Baka may bakante sa company n’yo, ipasok mo naman si Jam. Nakakaawa naman.’’
“Hmm, sige i-try ko.’’
“Nasabi kasi sa akin na gusto raw niyang mag-aplay sa abroad – sa Middle East yata. Sabi ko, mahirap ang sitwasyon dun. Di ba maraming napapahamak na Pinay dun.’’
“Oo nga.’’
“Sabi ko mas okey na ritong magtrabaho. Nabanggit nga niya ikaw. Itanong ko raw sa’yo.’’
“Hayaan mo at itatanong ko sa HR namin. Bukas malaman mo.’’
“Salamat Jose.’’
(Itutuloy)
- Latest