Black Widow (77)
“HINDI masisira ang aming pamilya kundi dahil sa kanyang kataksilan,” sabi ni Pete na tuwid na nakatingin kay Marie. “Siyempre ang sasabihin niya sa iyo ay papabor sa kanya. Pagkatapos nating mag-usap ay bakit hindi mo siya puntahan at tanungin ukol sa mga ipinagtapat ko sa’yo.’’
Napatango na lang si Marie sa sinabi ni Pete pero masabi kaya niya iyon kay Jam. Parang ayaw niyang maniwala na ang kaibigan ang dahilan nang pagkasira ng pamilya. Lagi silang magkasama ni Jam sa opisina at hindi niya ito kinakitaan na may ginagawang “milagro”. Kilala niya si Jam.
“Tanungin mo ang iyong kaibigan, Marie kung bakit kami nagkaganito. Pero palagay ko, hindi siya aamin. Ang isang tao na hindi nagsisisi sa kanyang mga nagawang kasalanan ay hindi kailanman aamin.
“Ang akala ko, magsisisi siya makaraan ang una kong pagkahuli sa kanya at sa lalaki niya pero hindi pala. Ginawa pa uli niya. Alam mo Marie, naisip ko na nasa dugo yata ng kaibigan mo ang mangaliwa. Nananalaytay sa kanya ang pakikiapid. Walang kadala-dala. Kaya nga, nagpapasalamat na rin ako at hindi nagpadala sa silakbo ng galit. Kung sa ibang lalaki nangyari iyon, baka napatay na siya. Hanggang ngayon, humahanga ako sa aking sarili dahil naging matibay ako. Agad kong naisip ang magiging kalagayan ng aking dalawang anak sakali at magpadala ako sa galit. Sa isang saglit na galit marami ang mangyayari at ang kasunod ay ang pagdurusa.
“Pakiusap ko Marie, tanungin mo ang iyong kaibigan kung bakit nangyari ito sa aming pamilya. At sabihin mo rin sa kanya na hindi ko ipakikita sa kanya ang aming mga anak.’’
Napatango si Marie. Iginalang niya ang pasya ni Pete.
Nagpaalam na siya rito.
(Itutuloy)
- Latest