Black Widow (64)
“TAMA na ang tatlo,’’ sabi ni Marie habang nakatingin kay Jose.
‘‘Bakit naman?’’ Tanong ni Jose.
‘‘Ayaw ko nang dagdagan ang mamamatay. Every ten years may nangyayari. Natatakot na ako.’’
“Nagkataon lang ‘yun.’’
“At saka isa pa, ayaw na ni Pau na mag-asawa ako.’’
Napatangu-tango na lamang si Jose.
‘‘Ibubuhos ko na lamang ang atensiyon kay Pau. At isa pa rin, nakakatakot nang makipagrelasyon lalo na kung ang anak ay babae. Di ba may mga nangyayari ngayon na ginagahasa ang anak ng ka-live-in?’’
Napatango uli si Jose.
‘‘Ikaw, mag-aasawa uli?’’ Tanong ni Marie.
‘‘Hindi na rin. Ibubuhos ko na lang kay Iya ang panahon ko. Isa pa rin, ayaw niyang mag-asawa ako. Gusto niya, ang mommy lang niya ang babae para sa akin. Huwag daw papalitan ang mommy niya.’’
Napatango si Marie habang nakatingin kay Jose.
‘‘Isa pa ring dahilan kung bakit ayaw ko nang mag-asawa ay baka ang maging asawa ko ay aapihin o mamaltratuhin si Iya. Di ba may mga madrasta na sinasaktan ang step daughter o stepson? Marami na akong nabalitaan na kung anu-ano ang ginagawa ng madrasta --- sinasabunutan, kinukurot at pinagbabantaan ang anak ng asawa.’’
“Meron ngang ganyan. Marami akong alam.’’
‘‘Kaya nga kaysa mag-asawa ako, ibuhos na lang kay Iya ang lahat.’’
‘‘Pareho tayo, Jose.’’
‘‘Oo nga.’’
Nagkatinginan sila at saka sabay ding iniiwas ang tingin pagkatapos.
NAGKITA sina Marie at Jam sa isang restaurant sa Dapitan St. Si Jam ang humiling na magkita sila. Mayroon daw sasabihing mahalaga.
Nasa restaurant na si Jam nang dumating si Marie.
‘‘Anong sasabihin mo Jam?’’ Tanong niya makaraang makaupo.
“Nagtungo ako sa bahay ng asawa ko, Marie. Gusto ko talagang makita ang mga anak ko. Pero hindi ako pinayagan ng aking asawa. Itinago niya kahit naglumuhod na ako at umiyak. Sabi ko kahit masulyapan lamang ang dalawa. Pero hindi niya ako pinakinggan….’’
Kasunod noon ay ang pag-iyak ni Jam. Ang mga kumakain sa katabing mesa ay napatingin sa kanila dahil sa biglang pag-iyak ni Jam.
Awang-awa si Marie sa kaibigan. Ano ang magagawa niya?
(Itutuloy)
- Latest