Black Widow (55)
PAYAT si Jam. Namumutla. Walang kasigla-sigla. Isang tinedyer na babae ang naroon.
“Ano bang nangyari, Jam?”
Sa halip na sumagot, umiyak si Jam.
“Anong nangyari? Ba’t ka umiiyak?’’
Pinahid ni Jam ang luha. Saka nagsalita.
“Nakunan ako dahil sa pambubugbog ni Coco!”
Hindi agad nakapagsalita si Marie. Nang magsalita ay parang panunumbat sa kaibigan.
“Akala ko ba sabi mo ayos ang pagsasama n’yo.’’
“Sa simula lang pala, Marie.’’
“Nasaan siya?’’
“Wala na. Hindi na umuwi. Palagay ko wala nang balak.’’
“Paano ka nakapunta rito?’’
“Dahil kay Neneng,” itinuro ang dalagita. “Maid sa katabing pinto ng apartment. Kung wala si Neneng, baka naubusan ako ng dugo.’’
Napahinga nang malalim si Marie.
Nang magsalita ay may himig panunumbat muli.
“Sabi mo, okey ang lalaking ‘yun, demonyo pala. Papatayin ka pa.’’
Tahimik lang si Jam. Nakatingin lang kay Marie. Maya-maya, umiyak uli.
“Anong balak mo ngayon?’’
“Hindi ko alam. Gusto ko makita ang mga anak ko.’’
“Paano mo makikita e tinago na nga ng asawa mo.’’
“Tulungan mo akong makontak sila. Kahit sa Facebook gawan mo ng paraan, Marie. Sabihin mo sa mga anak ko, nasa ospital ako. Please, Marie.”
Huminga muli si Marie. Gusto niyang sisihin muli kung bakit pumatol sa dancer na si Coco pero naisip niya, kawawa naman ang kaibigan.
“Sige titingnan ko kung anong magagawa ko.’’
“Salamat Marie. Basta makita ko lang ang aking mga anak, kahit mamatay na ako,’’ sabi nito at muling tumulo ang luha.
Tinapik-tapik ni Marie sa braso ang kaibigan.
(Itutuloy)
- Latest