Black Widow (45)
“HUWAG mong aagahan ng punta sa school Mama at baka ka mainip sa paglabas ko,” sabi ni Pau.
“Okey lang na maghintay ako, sweetheart,’’ sagot ni Marie na parang naging excited.
‘‘Kasi’y idi-distribute pa ang bagong libro namin kaya baka ma-late ako paglabas.’’
‘‘Okey lang. Marami rin naman ang naghihintay na parents sa labas. Hindi ako maiinip.’’
Hindi na nagsalita si Pau.
Akala ni Marie, mahahalata siya ng anak dahil naging excited siya nang malamang susunduin pala uli niya ito bukas. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit naging excited. Siguro’y dahil nagkausap na sila ng lalaki at kung magkikita uli sila bukas ay baka magkakuwentuhan muli sila. Pero pipiliitn niyang huwag magpakita na nasisiyahan sa pakikipag-usap sa lalaki. Baka akalain na nagpapa-charming siya. Hindi na bagay sa edad niya na magpa-charming na parang kasing henerasyon nina Katryn Bernardo at Daniel Padilla.
At bakit ba siya kikiligin sa lalaking iyon e sigurado namang may asawa dahil nga may sinusundong anak – si Iya nga.
Dapat niyang tigilan ang kagagahan. Huwag niyang kalimutan na tatlo na ang lalaking namatay makaraang makasal sa kanya. Huwag nang hayaang madagdagan pa.
KINABUKASAN, maaga siyang nagtungo sa school nina Pau. Nag-ayos siyang mabuti. Baka makita niya ang ama ni Iya ay mabuti nang maganda ang itsura. Sa totoo lang, mukha pa siyang dalaga. Ganundin ang puri sa kanya ni Jam. Maganda raw siya at hindi tumatanda kaya marami pa ring lalaki sa kanilang opisina ang nalalaglag ang briefs.
May mga magulang na sa waiting area. Nagkukuwentuhan ang iba. Mayroon na nakaupo sa mga konkreto.
Iginala niya ang mga mata sa paligid. Inisa-isa ang mga taong naroon. Muling pinasadahan sa gawing kaliwa at pagkaraa’y sa gawing kanan. Hindi niya nakita ang ama ni Iya!
Bakit kaya hindi sumundo?
Muli niyang iginala ang paningin. Wala talaga. (Itutuloy)
- Latest