Black Widow (12)
“’UY hindi naman ako ganun, Jam,” sabi ni Marie nang marinig ang sinabi ni Jam at saka tumawa nang mahina.
“Hindi ka maelya? Hindi ka malibs?’’
“’Yang boses Bruha, mo baka may makarinig.”
“Totoo bang may nunal ka sa pusod?’’
“Meron nga! Ga-butil ng monggo. Maitim na maitim.’’
Nagtawa si Jam.
“Hindi naman libag o banil?’’
“Hindi. Nunal talaga!’’
“Ang alam ko nga kapag daw may nunal diyan ay mahilig.’’
“Hindi ako mahilig. Peksman.’’
“E ano kayang kahulugan ng nunal sa pusod?’’
“Nang makita ko nga ito, una kong naisip ay baka ito ang dahilan kaya ako mabiyudahin. Siyempre lahat ay naiisip ko kung bakit nangyayari sa akin ang mga hindi pangkaraniwan. Pero nang mag-research ako sa internet ukol sa mga kahulugan ng nunal sa katawan ng babae, iba ang sinasabi.’’
“Ano ang sabi?’’
“Great wealth daw ang ibig sabihin kapag may nunal sa pusod.’’
“Talaga? Baka mananalo ka sa lotto!”
“Hindi naman ako tumataya sa lotto paano ako mananalo?’’
“Tumaya ka na mula ngayon, Bruha. Malay mo baka nga totoo ang ibig sabihin ng nunal na ‘yan.’’
“Ano naman ang itataya ko?’’
Nag-isip si Jam.
“Kuwan, ‘yung birth date ng mga namatay mong dyowa. Baka ang mga numero yun ang magbibigay sa’yo ng suwerte.’’
Nag-isip si Marie.
“O kaya, ang petsa kung kailan ka nabiyuda sa tatlong lalaki.’’
“Ang galing mong mag-isip ng number na tatayaan.’’
“Tumataya yata ako sa lotto, Bru. Matagal na akong tumataya kaya lang hindi pa ako nananalo.’’
“Sige, susubukan kong tumaya.’’
“Uy pag nanalo ka, balato ha?’’
“Oo. Ikaw pa ang hindi ko balatuhan.’’
“Pero balik tayo sa nunal mo sa pusod, ayaw mo bang ipa-check-up yan. Kasi may mga nunal na cancerous.’’
Natigilan si Marie. Oo nga. Tama si Jam. Baka cancerous ang nunal na nasa pusod niya at kailangang maeksamin. Kasi nga’y bigla itong lumaki.
(Itutuloy)
- Latest