Kastilaloy (26)
HINDI na niya sasabihin sa kanyang mama ang mga pinagtapat ni Carmina ukol dito lalo na ang bahaging pumayag ito sa gusto ng tiyuhing si Dionisio. Duda pa rin siya kung totoo nga ang sinabi ni Carmina. Baka sinabi lang iyon ni Carmina para makaganti dahil inaapi nga silang mag-ina. Sabi ni Carmina, kawawa ang kanyang mama na si Amparo na kinawawa ng pamilyang Polavieja. Palibhasa raw ay mahirap lang ang kanyang mama kaya tutol ang mga Polavieja. Pati nga mana, ipinagkait sa kanila. At wala namang nagawa ang kanyang papa na si Dionisio na isang bum kundi ang sumunod sa utos ng mga mapangmatang magulang.
Pero bakit hindi siya nagagalit kay Carmina kahit na marami itong sinabi ukol sa kanyang mama. Bakit wala man lang siyang reaksiyon kahit na sinabi nitong “may nangyari kay Dionisio at kanyang mama”. Sabi pa baka raw nahihihiya ang kanyang mama kaya walang ikinukuwento ukol doon. Maski nga ang pagiging magkaklase ay hindi nabanggit ng kanyang mama at iisa rin pala ang kanilang naging crush na walang iba kundi ang kanyang papa. Bakit wala man lang nabanggit si Mama ukol doon. Bakit niya inililihim? At ang ama ng kanyang mama, si Lolo Fernando ay pawang masama ang sinabi kay Amparo --- nanlalaki raw ito kaya nilayasan ng kapatid na si Dionisio.
Kawawa raw talaga ang kanyang mama. Namatay ito na hindi man lang nalinis ang pangalan. Lumalabas na si Carmina ay anak sa ibang lalaki. Ang sama talaga ng ginawa ng pamilya Polavieja. Wala naman daw katotohanan ang lahat ng iyon sabi ni Carmina. Anak daw siya ni Dionisio Pola-vieja alyas Kastilaloy.
Sa palagay ni Garet, marami pang kuwentong nakatago ang pamilya Pola-vieja at lalo na si Kastilaloy. Gusto niyang malaman ang lahat. Gusto niyang masaliksik ang lahat.
Ipinasya ni Garet na muling dalawin si Carmina. Hindi na niya sinabi sa kanyang mama ang pagtungo kay Carmina. Gusto niyang kausap si Carmina --- lahat ay sinasabi. Wala nang paliguy-ligoy sa pagkukuwento. At hindi nga siya nagagalit kahit may ikinukuwento ukol sa kanyang mama. Iyon kaya ay dahil totoo ang mga sinasabi nito?
Nang kumatok siya sa gate ng bahay ni Carmina sa Basilio St. ay agad siyang pinapasok ng maid. Nakangiti sa kanya ang maid.
“Nasa salas si Ate. Halika, Garet.’’
“Salamat.’’
Pumasok siya sa loob.
Nasa salas at nakaupo sa sopa si Carmina.
“Kumusta Tita Carmina.”
“Okey naman, Garet. Mabuti at dinalaw mo ako.’’
Naupo si Garet sa tabi ni Carmina.
“Gusto kong kakuwentuhan ka, Tita Carmina.’’
(Itutuloy)
- Latest