Kastilaloy (15)
WALA ang mama ni Garet nang umuwi siya sa bahay. Napasarap siguro sa pakikipagkuwentuhan sa classmate nito. Magkikita raw sila sa Trinoma. Baka gabihin na iyon. Ilang beses nang napapansin ni Garet na madalas lumabas ang kanyang mama at nakikipagkita raw sa kaibigan o kaklase. Sabagay, mabuti ngang maglibang-libang ang kanyang mama. Mahirap kung dito magmumukmok sa bahay. Baka lalong maaalala ang pagkamatay ng kanyang papa. Basta huwag lang magbo-boyfriend ang kanyang mama. Ayaw niyang magboyfriend ang ina. Isa pa, 55 years old na ito. Parang hindi na bagay magboyfriend.
Kumain at natulog si Garet. Napagod siya sa paghahanap ng bahay ni Kastilaloy sa Blumentritt. Bukas, babalik siya roon para malaman kung saan nakatira ang “anak” ni Kastilaloy na si Carmina. Sabi ng lalaking nakausap niya, patay na si Amparo o Amparing at ang anak na lamang ang nagbenta ng bahay. Hindi maalala ng lalaki ang pangalan ng anak ni Amparo. Itatanong pa raw sa bossing niya ang pangalan at kung saan na ito nakatira. Humingi ng paumanhin ang lalaki kay Garet.
Bukas, aagahan niya ang pagtungo sa Blumentritt. Gusto niyang malaman kung saan nakatira si Carmina? Tiyak na marami siyang malalaman ukol kay Kastilaloy. Alam kaya ni Carmina na hindi siya tunay na anak ni Kastilaloy? Baka naman alam na niya. Napakatagal nang panahon mula nang mangyari iyon. At siguro, balewala na sa kanya kung hindi siya anak ni Kastilaloy.
Natulog si Garet na hindi pa dumarating ang kanyang mama Julia. May susi naman ito kaya walang problema. Hindi niya alam kung anong oras ito dumating.
Kinabukasan na lang niya nalaman na madaling araw na itong dumating. Ipinaliwanag na marami pala silang magkakaklase na nagkita-kita at nagkasarapan sa pagkukuwentuhan.
“Naku ang saya nang pagkikita-kita namin,” sabi ng kanyang mama.
“Puro babae kayo?’’
“Hindi. May lalaki.’’
Hindi na nagtanong si Garet.
“Kumusta nga pala ang pinuntahan mo sa Blumentritt?’’
“Nakita ko ang bahay pero pinagbili na.’’
“Nasaan na ang asawa at anak ni Tiyo Dionisio Polavieja?”
“Patay na ang asawang si Amparo. Yung anak e hindi masabi ng pinagtanungan ko kung nasaan. Babalik ako ngayon para malaman kung nasaan ang anak.’’
“Mag-ingat ka sa pagtungo roon.”
Pagkakain ng almusal, umalis na si Garet.
Hinihintay na pala siya ng lalaking napagtanungan niya kahapon.
“Carmina nga ang pangalan ng babae. Siya ang nagbenta nitong bahay.’’
“Saan po nakatira si Carmina?’’
“Sa Basilio St. Malapit sa Dapitan. Magtanong ka lang dun.’’
“Salamat po, Manong.’’
Hinanap ni Garet ang bahay ni Carmina. Nagtanong siya.
(Itutuloy)
- Latest