Kastilaloy (13)
“MARGARITA, kung pupuntahan mo ang bahay ni Tiyo Dionisio o Kastilaloy sa Blumentritt, mag-ingat ka. Kung bakit kasi gusto mo pang halungkatin ang buhay ni Kastilaloy. Wala ka na bang ibang magawa?’’ tanong ni Mama Julia kay Garet.
“Tutuklasin ko lang ang misteryo ng buhay ni Kastilaloy at kapag natapos ko, tigil na ako. Iba na ang pagkakaabalahan ko.’’
“Mag-M.A. ka kaya. Kaysa naman kung anu-anong pananaliksik ang ginagawa mo.’’
“Balak ko nga Ma, pero tatapusin ko muna itong nasimulan ko kay Kastilaloy. Gusto ko magkaroon ng linaw kung bakit siya biglang nawala at kung sino ang mga kumupkop sa kanya. At isa pa, gusto kong malaman ang nangyari sa mga alahas.’’
Biglang nagsalita si Mama Julia nang marinig ang ukol sa alahas ni Kastilaloy.
“Kapag natagpuan mo ang asawa o anak ni Kastilaloy, huwag mo nang banggitin ang ukol sa alahas.’’
“Bakit naman ‘Ma?’’
“Basta huwag nang sabihin o ikuwento kahit kanino. Tayong dalawa na lamang ang nakaaalam nun.’’
“Okey. No big deal.’’
“Basta mag-ingat ka sa pagpunta sa Blumentritt. Marami raw namimitas ng hikaw dun. Huwag kang magsuot kahit anong alahas sa katawan. Pati cell phone huwag ka nang magdala.’’
“Hindi ako puwedeng walang cell phone.’’
“Sige basta ingatan mo. Huwag kang mag-ti-text habang naglalakad.’’
“Okey ‘Ma. Thanks.’’
“Anong oras ka ba uuwi?’’
“Hindi ko alam. Bakit mo tinatanong?’’
“Aalis din kasi ako.’’
‘‘Saan ka pupunta?’’
“Yung friend ko ng high school magkikita raw kami sa Trinoma.’’
“No problem, may duplicate ako ng susi? Anong oras ka uuwi?’’
“Hindi ko alam. Baka magkasarapan kami ng kuwentuhan.’’
Napataas ang kilay ni Garet. Mula nang mamatay ang Papa niya, napapansin niyang laging lumalabas ang Mama niya. Sabagay naglilibang ito. Kawawa naman kung dito lang sa bahay. Pero okey lang kung sa kaibigang babae pupunta. Paano kung mag-boyfriend? Hindi siya papayag. Isa pa, may edad na ang mama niya – 55 na!
Umalis si Garet. Tutungo na siya sa Blumentritt.
Sumakay siya ng dyipni na patungong Quiapo. Dadaan iyon sa España. Sinabi niya sa drayber na ibaba siya sa Blumentritt.
Kandahaba ang leeg niya habang tumatakbo sa España ang dyipni. Baka mapalampas siya.
‘‘’Yung bababa ng Blumentritt, ‘yung kantong yun, o !’’
“Salamat, Manong.’’
Eksaktong pula ang ilaw. Tumigil ang dyip mismo sa kanto ng Blumentritt at España. Bumaba si Garet. Luminga-linga siya. Sabi ng Mama niya, kanto raw ng España at Blumentritt. Lumang bahay daw iyon na gawa pa nung dekada 60.
Hanggang sa makita niya ang isang bahay sa di-kalayuan. Luma. Style 60s. Yun na nga siguro.
Tinungo niya ang bahay.
(Itutuloy)
- Latest