Sinsilyo (221)
NAKAPASOK si Mau sa loob ng bahay. Hindi niya naramdaman na nakikita siya ni Tata Kandoy. Wala rin itong kamalay-malay sa mga mangyayari mama-yang madaling-araw.
Nalilito naman si Tatang Kandoy sa gagawin. Ipaalam kaya niya kay Mau ang mangyayari o hayaan na lang niya. Tutal naman at naging masama ito kay Gaude. Ito na ang pagkakataon para makaganti sa kanya!
Nasa ganoong pag-iisip si Tatang Kandoy nang marinig niyang may papalapit na yabag. Si Kastilaloy! Mukhang may inaabangan. Baka hindi pa nito nalalaman na nakarating na si Mau.
Isiniksik ni Kandoy ang sarili sa pinagkukublihan. Baka makita siya ni Kastilaloy.
Pabalik-balik si Kastilaloy sa may pintuan ng kuwarto ni Mau. Maya-maya, pumasok si Kastilaloy sa kuwarto nito pero makalipas ang ilang saglit ay lumabas din. Nakita niyang may hawak sa kanang kamay. Kandila! Iyon na marahil ang gagamitin sa pagsunog sa bahay. Sisindihan na kaya? Lumapit si Kastilaloy sa may bintana na katabi lamang ng kuwarto ni Mau. May mahabang kurtina ang bintana na ang layla-yan ay nakasayad sa suwelo. Manipis ang kurtina. Tiyak na kapag nadilaan iyon ng sindi ng kandila ay magliliyab kaagad. Nakita ni Kandoy na pinagmamasdan ni Kastilaloy ang suwelo na pagtitirikan marahil ng kandila. Pagkaraa’y yumuko at ipinorma ang kandila isang dangkal ang layo sa laylayan ng kurtina. Pagkatapos ay may dinukot sa bulsa ng porontong na suot. Posporo na siguro? Hindi. Relo ang kinuha. Tiningnan ang oras. Alas nuwebe pa lamang. Ilang oras pa bago ang alas dos ng madaling araw. Matagal pa. Ibinalik ang relo sa bulsa.
Muling pumasok sa kuwarto niya si Kastilaloy dala ang kandila.
Aalis na sana si Kandoy sa pinagkukublihan nang marinig niya ang pagbubukas ng pinto ng kuwarto ni Mau.
Nakita niya si Lyka. Naka-shorts at shirt. Palinga-linga ito. Tinitiyak na walang nakakakita. Nagtungo sa kusina. Lumapit sa may tangke ng gas range. Luminga-linga uli. May hinanap. Nakita. Sinigurado kung iyon na.
Pagkaraan ay umalis at nagtungo sa kuwarto ni Kastilaloy. Tinulak at nabuksan. Pumasok sa loob. Maya-maya lumabas din nagmamadali. Nagbalik sa kuwarto nila ni Mau. Hinintay niyang lumabas pero lumipas ang kalaha-ting oras, ay hindi na lumabas si Lyka.
Ipinasya na ni Tata Kandoy na umalis na. Hahayaan na niya anuman ang mangyari sa bahay na ito.
Mabilis siyang nakalabas sa bahay at tinungo ang kalsada. Wala nang gaanong tao sa kalsada gayong mag-aalas diyes pa lamang ng gabi.
Nilingon niya ang bahay at pinagmasdan. Nalulungkot siya. Maya-maya lamang ay magliliyab na ito. Parang nakokonsensiya siya. (Itutuloy)
- Latest