Sinsilyo (188)
NAIWANG bumubulong si Lyka. Akala ni Tata Dune Kastilaloy ay nagsisinungaling siya. Totoo naman na paparating si Mau. Maski siya ay nagulat sa text ni Mau dahil hindi niya akalain na uuwi na e kaaalis pa lamang nito. Kaya nga malakas ang loob niya kanina na ipabasa ang text kay Tata Dune ay dahil totoo naman iyon. Pero ayaw basahin dahil hindi raw siya marunong magbasa niyon. Manigas siya!
Pero hindi pa rin siya makapaniwala na makakaligtas pa rin siya sa panghihipo ng matanda. Akalain ba niya na ang dinadasal ay magkatotoo. Talagang kinakabahan na siya kanina. Kaya nang tumunog ang cell niya, nakahinga siya nang maluwag, ha-ha! Inis na inis si Tatang Dune! Bahala na sa susunod mag-isip nang maidadahilan. Pero baka hindi na ibigay sa kanya ang mga barya sa sako. Ang dami pa naman niyon. Kailangan mapasakamay niya ang mga baryang iyon na hindi kailangang hipuin ang boobiski niya. Kung tuso si Tatang Dune, mas lalong tuso siya. Kukunin niya ang mga barya na hindi makakapiyok si Tata Dune!
Makalipas lamang ang kinse minutos ay narinig niya ang pagbubukas ng gate. Si Mau na yun!
Lumabas siya. Sumilip siya sa pinto. Si Mau nga.
Binuksan niya ang pinto.
“Bakit bumalik ka, Mau?”
“Masama ang pakiramdam ko. Parang lalagnatin ako.’’
“Nagtataka nga ako kung bakit ka bumalik. Sabi mo matagal kang hindi uuwi.”
“Sana nga, kaso ay parang tatrangkasuhin ako. Masakit ang katawan ko.’’
Pumasok na si Mau sa loob.
“Anong ginagawa mo?” tanong ni Mau.
“Wala. Kapapaligo ko pa lang nang mag-text ka. Nagulat nga ako dahil uuwi ka.’’
“Kaya pala mabango ka. Bagong paligo ka pala.’’
“Talaga namang lagi akong mabango.’’
“Halika na sa kuwarto Lyka at masahehin mo ako. Bakasakaling mawala ang sakit ko.’’
“Sige, halika.’’
Nang papasok na sila sa kuwarto, nahagip ng tingin ni Lyka si Kastilaloy na nasa di-kalayuan at nakatingin din sa kanila. Naniniwala na ito na dumating nga si Mau. Hindi nanloloko si Lyka. Napangiti naman si Lyka. Siguro’y hinayang na hinayang ang matanda. Muntik na sanang mahipo ang pinapangarap pero nabulilyaso pa.
(Itutuloy)
- Latest