Sinsilyo (180)
NANG makita ni Kastilaloy na kakaunti lamang ang laman ng lata ni Tata Kandoy ay lalo nang naging matalas ang dila.
“Ba’t kakaunti na naman ‘yan? Kinupit mo naman ano?’’
Pero sa halip na sagutin ni Tata Kandoy nang pabalang ang galit na si Kastilaloy, nag-isip ito nang dahilan para maawa sa kanya. Pinaghandaan na niya iyon kanina bago humarap kay Kastilaloy.
“Hindi ko ito kinupitan Dune. Naholdap ako kaya ito na lamang ang natira.’’
“Hinoldap? Sino ang uululin mo, estupido ka?’’
“Naholdap nga ako, Dune. Tingnan mo ang t-shirt ko sa likod at nasira dahil sa paghawak ng holdaper,” tumalikod si Tata Kandoy at ipinakita ang wakwak na t-shirt.
Tiningnan ni Kastilaloy. Walang imik. Tila kumbinsido na hinoldap nga siya. Kanina bago siya nagtungo kay Kastilaloy at winakwak niya ang t-shirt.
“Bakit nasa iyo pa ang lata kung naholdap ka?’’ tanong ni Kastilaloy para makatiyak kung nagsasabi nang totoo si Tata Kandoy.
“Ipinasalin niya sa akin sa plastic bag ang laman ng lata.”
“Bakit napunit ang damit mo?”
“Tatakbo sana ako pero nahawakan ang t-shirt ko. Nawakwak iyon. Sasaksakin sana ako pero nagmakaawa ako. Pagkatapos ay ipinasalin sa akin ang mga barya.’’
“Kapag nalaman kong nagsisinungaling ka, sasapakin kita! Tapos sasabihin ko kay Mau na nangungupit ka. Talsik ka rito tulad ni Gaude. Sa palagay mo nasaan na ang Gaude na ‘yun?”
“Aba ewan ko! Wala akong alam.”
“Di ba kaibigan mo ‘yun?”
“Noon. Pero ngayon hindi na!”
Tiningnan siya ni Kastilaloy. Nanunuri ang tingin. Tapos pinaalis na siya.
“Sige alis na. Akina ang laman ng lata at sayang din!”
Iniabot ni Tata Kandoy ang lata at humakbang palayo.
Nag-iisip naman si Kastilaloy kung paano mada-dagdagan ang mga barya para may maibigay kay Lyka. Kailangang mabigyan niya ito nang malaki para mapagbigyan siya sa mga hihilingin pa.
(Itutuloy)
- Latest