Sinsilyo (174)
WALA sa bahagi ng Plaza Miranda si Gaude. At malinis na roon na pa-latandaang bawal ang mga palaboy. Hindi nagtagal si Tata Kandoy sa plaza at baka siya mapagkamalang palaboy ay hulihin. May dala pa naman siyang lata na sisidlan ng barya na nagpapakilalang pulubi. Delikadong mahuli siya ng mga taga-DSWD.
Sa halip nagbalik siya sa gilid ng simbahan sa Carriedo. Mas magand pa roon dahil hindi halata ang panghihingi ng limos. Pero nag-iingat din siya at baka mayroong umaway sa kanya. Hindi niya teritoryo ang Quiapo kaya maaari siyang pagtulungang awayin ng mga dati nang namamalimos doon. Wala siyang kalaban-laban kapag inaway dito. Mga halang ang kaluluwa ng mga narito at walang patawad. Matira ang matibay. Talagang sa Espana Blvd. lamang siya dapat mamalimos. Teritoryo niya ang kahabaan ng España at wala siyang kalaban doon. Siya ang itinutu-ring na “hari ng España” sa loob nang maraming taon. Walang nambu-bully o nananakot. Dito sa Quiapo, wala siyang mapapala rito kundi gulpi sa mga sutil na pulubi.
Nang inaakala niyang imposibleng makita sa gilid ng simbahan si Gaude, ipinasya niyang umalis na. Babalik na siya sa Espana at doon maghahanapbuhay. Maaga pa naman kaya marami pa siyang mapapaglimusan. Pero babalik uli siya rito para hanapin si Gaude. Hindi siya titigil hangga’t hindi nakikita si Gaude. Hindi matatahimik ang kanyang kalooban hangga’t hindi nakikita si Gaude. Hindi naman sana napasama si Gaude sa mga batang palaboy gaya ng kanyang nakita sa Recto kanina. Hindi naman sana ito napilitang suminghot ng rugby para makalimutan ang uhaw at gutom. Matalino naman si Gaude kaya maaaring hindi ito gagawa ng hindi maganda.
MAKARAAN ang dalawang araw, mu-ling nagbalik sa Quiapo si Tata Kandoy. Hindi na siya nagdala ng latang lalagyan ng barya. Paghahanap kay Gaude ang pagtutuunan niya.
Pumasok siya sa simbahan. Nag-antanda at saka umusal ng dala-ngin. Mahal na Nazareno, makita ko na sana si Gaude sa araw na ito!
Lumabas siya makaraang magdasal. Sa gilid sa Carriedo siya lumabas. Sinulyapan ang mga taong nasa gilid. Baka naroon si Gaude. Wala.
Ipinasya niyang maglakad sa Carriedo. Nakarating siya ng Avenida. Wala rin.
Pumakabila siya. Sa may bahaging FEATI bago umakyat ng MacArthur Bridge. Baka sakaling naroon.
Lumusot siya sa isang eskinita. Mailap ang mga mata niya.
Hanggang may makita siyang nakahiga sa bangketa. Nakatalikod.
“Gaude!”
(Itutuloy)
- Latest