Sinsilyo (144)
‘‘SIGURO dahil sa sobrang pagkasubsob mo sa pag-aaral kaya ka namamayat. O baka naman mayroon ka nang siyota. Huwag ka munang magsisiyota at baka hindi ka makatapos. Madali lang maghanap ng siyota. Ano Gaude, may siyota ka na ba kaya ka namamayat?’’ tanong ni Mau na nakangiti.
“W-wala po Tito Mau. Kuwan po, dahil sa ano….’’ Nabitin ang sasabihin ni Gaude at napatingin kay Lyka na noon ay nanlilisik ang tingin sa kanya at nagbabanta.
“Dahil sa ano, Gaude?’’ tanong ni Mau na nagtataka.
‘‘Dahil po sa pag-aaral, Tito Mau,’’ sabi ni Gaude. Hindi niya nasabi na si Lyka ang dahilan kaya siya nagkakaganito. Natakot siya. Mahina ang loob niya. Baka may gawin sa kanya si Lyka kapag isiniwalat niya ang mga ginagawa nito.
‘‘Sabi ko na’t dahil sa pag-aaral. Huwag mong puwersahin at baka ka magkasakit. Hinay-hinay lang. Makakatapos ka rin.’’
Hindi nagsalita si Gaude. Nakatingin pa rin sa kanya si Lyka. May banta ang pagkakati-ngin.
‘‘Kumusta naman ang mga alaga nating damatan?’’
“Okey naman po. Wala pong problema. Wala pong pasaway.’’
“Hindi nagbabangay sina Tatang Kandoy at Tatang Dune Kastilaloy?’’
“Hindi po!” Pagsisinungaling niya. Kapag sinabi niyang nag-umbagan ang dalawang damatan, itatanong ang dahilan at baka mabuklat ang tungkol sa mga barya at tiyak na mahahalungkat ang lahat. Mabubuking si Lyka.
Maya-maya nag-ring ang cell phone ni Lyka sa kuwarto. Tumakbo si Lyka para sagutin.
Sinamantala ni Mau ang pagkakataon. Binulungan si Gaude. ‘‘Kumusta ang mga barya, Gaude. Wala ka bang pinapapasok sa kuwarto mo? Wala bang nakakadiskubre na marami tayong barya.’’
Sasabihin na sana ni Gaude ang lahat tung-kol kay Lyka at sa mga barya at iba pa pero hindi niya nagawa. Eto na si Lyka na nagmamadali sa paglapit.
“Ano gaude wala bang pumapasok sa kuwarto?” Bulong uli ni Mau.
Nakatingin si Mau sa papalapit na si Lyka. Nakatingin din sa kanya si Lyka. Nagbabanta ang tingin.
‘‘W-wala p-po, Tito Mau. W-wala po.’’
“Good!’’
Nakalapit na si Lyka.
“Anong pinag-uusapan n’yo?’’ tanong ni Lyka.
“A wala, tungkol sa pag-aaral ni Gaude,’’ sagot ni Mau.
Duda si Lyka. Nakatingin kay Gaude.
(Itutuloy)
- Latest