Sinsilyo (75)
NANG gabing iyon ay inumpisahan ni Gaude na hakutin ang mga lata na may lamang barya. Dalawang lata lang ang kaya niyang buhatin patungo sa kanyang kuwarto dahil mabigat. Nakakailang balik pa lang ay pagod na pagod na siya. Pero determinado siyang tapusin ang paghahakot para matuwa si Tito Mau. Gusto nito ay malinis na malinis na ang kanyang kuwarto. Baka raw may maisamang tsik. Hindi pa naman daw nobya. Kung hindi nobya bakit isasama sa bahay at bakit dadalhin sa kuwarto niya. Baka asawa na ni Tito Mau ang sinasabing babae at ayaw lang aminin. Kapag nagkataon, madadagdagan ang kanyang pakikisamahan. Sana ay mabait ang babaing mapapangasawa. Sana, hindi magkaroon ng pagbabago dito sa bahay kapag narito na ang mapapangasawa ni Tito Mau.
Ipinagpatuloy niya ang paghahakot ng mga lata. Tumagaktak ang kanyang pawis. Ingat na ingat siya sa pagsasalin ng mga barya at baka kumalansing. Parang tumpok ng buhangin na ang mga barya na nasa isang sulok ng kanyang kuwarto. Hindi pa naman nakakasikip ang tumpok. Mayroon pang space kung saan ay makakaupo siya habang nagbibilang.
Natapos niyang hakutin ang mga lata. Hanggang hita niya ang taas ng tumpok. Parang buhangin iyon. Napakarami pala kapag naitumpok. Naisip ni Gaude, kung hindi titigil sa pagpapalimos ang mga matatanda, darating ang araw na mapupuno ng barya ang kuwarto niya. Wala nang pupuwestuhan ang kanyang kama. Kaya kailangan ay maging mabilis siya sa pagbibilang ng mga barya para hindi matambak. Pero paano naman niya mahaharap nang todo ang pagbibilang gayung nag-aaral siya ng leksiyon. Hindi naman puwedeng gabi-gabi ay magbilang siya.
Naupo siya sa gilid ng kama at pinagmasdan ang nakatambak na barya. Malaking pera ito. Mga perang pinagpalimusan ng mga matatanda. Pinag-sama-sama ang kanilang pinaghirapan.
(Itutuloy)
- Latest