Sinsilyo (24)
MAHIGPIT ang pagkakahawak ni Gaude sa brown envelope na kinaroroonan ng kanyang mga dokumento at enrolment form. Ingat na ingat siya at baka malaglag at mawala ang mga iyon ay malaking problema lalo pa at sa isang buwan na ang pasukan. Ipakikita niya kay Tito Mau ang enrolment form para nalalaman nito ang pagbabayaran. Tatlong installment ang paraan nang pagbabayad sa tuition fees. Medyo may kalakihan kaya kailangang installment. Sinabi naman sa kanya ni Tito Mau na installment ang gagawing pagbabayad para raw hindi mabigat. Ang mga binilang daw niyang barya ang ipangtu-tuition, sabi ni Tito Mau. Mabait si Tito Mau. Akala niya nalimutan na nito ang pangakong pag-aaralin siya.
Nakaabang si Lolo Kandoy sa gate nang dumating siya. Para bang inaasahan na bago mag-alas dose ay nasa bahay siya. Naalala ni Gaude ang iniabot na P10 sa kanya kanina. Mabait din ang matandang ito.
“Mabuti at dumating ka na agad,” sabi ni Lolo Kandoy. ‘‘’Kala ko mga alas dose ka pa. Nagugutom na ako Gaude!’’
“E sana po sumandok ka na sa kaldero.”
“Ayaw ko. Baka makita ako ni Mau ay magalit.’’
‘‘Hindi po magagalit yun.’’
‘‘’Yan ang akala mo. May baltik yan magkaminsan.’’
“E halika po sa loob at sasandukan kita.’’
Pumasok sila sa loob.
“Natapos ba ang nilakad mo sa school?’’ tanong ni Lolo.
‘‘Opo. Magbabayad na lang po.’’
‘‘Magbabayad nang ano?’’
“Tuition po. Matrikula.’’
“Sino ang magbabayad?’’
‘‘Si Tito Mau po.’’
‘‘Si Mau ang magbabayad?’’ Parang hindi makapaniwala si Lolo Kandoy.
‘‘Opo. Bakit po Lolo?’’
Hindi sumagot. Sa halip, kinuha ang malaki niyang pinggan at isinahod kay Gaude.
Sinandukan ito ni Gaude nang kanin at saka ginisang ampalaya na may binating itlog. Pagkatapos ay walang imik na lumabas si Lolo Kandoy. Nagdaan sa likod ng kusina.
Nagtataka naman si Gaude kung bakit parang nagulat si Lolo nang malamang si Tito Mau ang magbabayad ng matrikula niya. Bakit kaya?
Kinagabihan, ipinakita ni Gaude kay Tito Mau ang enrolment form na nakasaad ang pagbabayaran.
Sinuri ni Mau ang mga pagbabayaran.
Saka ibinalik kay Gaude. (Itutuloy)
- Latest