Halimuyak ni Aya (467)
NAGPATULOY si Numer sa pagkukuwento ukol sa pinag-usapan nila ni Abdullah at sabik namang nakikinig si Imelda. Habang tumatagal nagiging kapana-panabik ang nangyayari sapagkat ngayon ay si Abdullah na ang nakikiusap kay Numer para lamang makahanap ng balita ukol sa maid na si Cristy na nabuntis niya.
‘‘Hindi talaga ako makapaniwala na si Abdullah pa ang makikiusap sa akin para lamang ma-locate si Cristy. Hindi ko na kailangang magtanong o mag-usisa sapagkat siya na mismo ang nagkukuwento ng mga nangyari.’’
‘‘Oo nga Numer. Alam mo bang nasu-suspense ako sa mga ikinukuwento mo. Mahirap paniwalaan pero nangyayari na.’’
‘‘Tama ka, Imelda. Namumroblema nga ako noon kung paano sisimulan ang pagtatanong kay Abdullah ukol kay Cristy, ‘yun pala siya pa ang makikiusap.’’
“Anong sinagot mo kay Abdullah sa kanyang pakiusap para mahanap si Cristy?’’
“Siyempre, patay-malisya ako ‘no? TiÂnanong ko siya kung bakit ganun na lamang ang pagnanais niya na makita ang Pinay na si Cristy. Sagot niya, malaki raw ang kasalanan niya kay Cristy. Hindi raw tama ang kanyang ginawa at gusto niyang magbayad sa nagawa rito. Alam daw niya kung paano nagdusa si Cristy sapagkat nabuntis niya ito. Gusto niyang malaman kung nasaan na si Cristy at kung ano na ang nangyari sa pinagbubuntis nito. Tulungan ko raw siya kung paano. Noon pa raw siya naghahaÂnap ng Pinoy na maÂaaring makatulong pero hindi siya magkaroon ng pagkakataon. Katunayan, para raw magkaroon siya nang maraming kaibigang Pinoy, hiniling niya sa kanilang office na pawang Pinoy ang i-hire. Kung maraming Pinoy, malaki ang chance na makakuha siya ng information kay Cristy at sa pinagbubuntis nito. At ako nga raw ang napisil niya para pagtanu-ngan. Hiling lamang niya, gawing sekreto namin ang anumang pag-uusapan.
“Nangako ako kay Abdullah. Sabi ko, gagawin ko ang lahat para ma-locate si Cristy. Ganoon na lamang ang pasasalamat ni Abdullah...’’
(Itutuloy)
- Latest