Halimuyak ni Aya (327)
“LAHAT nang mga taong nagmamahal sa atin ay gustong tayo ang magkatuluyan. Tingnan mo sina Lolo at Lola. Hanggang sa huling sandali, tayo ang kanilang inaalala,’’ sabi ni Aya at muling yumakap kay Sam.
“Hindi lang sina Lolo at Lola ang may gustong magkatuluyan tayo, Aya. Meron pang isang labis na nagmamahal sa atin na bago mamatay ay sinabi sa akin na huwag daw kitang pababayaan.’’
“Sino Sam?’’ Lumuwag ang pagkakayakap niya kay Sam at tumingin dito.
“Si Mama Brenda.’’
‘‘Anong sabi ni Mama sa’yo?’’
‘‘Kinausap niya ako nang masinsinan noong nagtungo tayo sa inyo nang patago. Bilin niya sa akin, huwag kitang pababayaÂan at huwag iiwan kahit ano pang mangyari. Gusto niya, tayong dalawa ang magkatuluyan bilang mag-asawa. Labis daw siyang matutuwa kapag tayo ang nagkagustuhan at maging mag-asawa. Kung maaari, ligawan daw kita. Sabi ko naman, hindi mo ako gusto e paano ako manliligaw. Sabi ni Mama Brenda, magugustuhan mo ako. Basta ligawan daw kita. Kaya ang pangako ko sa kanya, liligawan kita at tayong dalawa ang magiging mag-asawa. At ito na nga tayo, natapos din ang ating pagtatago. Pareho pala tayong nagmamahalan ng lihim.’’
“Kung hindi pa ako ang nagsimula e hindi ka kikilos, he-he!’’
Siya naman ang biglang niyakap ni Sam at pinupog ng halik.
“Baka ka mabinat. Mabuti pa uminom ka uli ng gamot. Teka, pakakainin muna kita ng aroskaldo at saka paiinumin,’’ sabi ni Aya at bumaba sa kama.
“Sige. Pagkatapos, pag-usapan natin ang ating future. Iplano natin kung kailan tayo pakakasal at ang iba pang gagawin…’’
Hindi makapaniwala si Aya. Kasal na agad ang sinasabi ni Sam.
“Nag-aaral ka pa Sam.’’
“Pagkatapos kong makakuha ng board exam, larga na tayo.’’
“Totoo Sam?’’
‘‘Oo.’’
“So mga dalawang taon pa ano?’’
“Oo. Kasi isang taon pa uli ang hihintayin pagkatapos ng board. At siguro mag-aaral uli para magkaroon ng espesyalidad.’’
“Madali na lang yun. Nakapaghintay nga tayo nang matagal e ito’t dalawang taon na lang.’’
“Kailangan lang huwag tayong magkatuksuhan,’’ sabi ni Sam at pinagmasdan si Aya. “Ang ganda mo kasi. Baka hindi ako makatiis na langhapin ang halimuyak, he-he-he!’’
“Sira!’’
“Pero kakayanin kong huwag matukso sa kagandahan mo. Kailangang labanan ko ang tukso…’’
(Itutuloy)
- Latest