^

True Confessions

Halimuyak ni Aya (221)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

MABILIS na lumabas ng kuwarto si Aya. Noon ay unti-unti nang nagkakamalay ang nakahandusay na si Janno. Naalala naman ni Aya na kailangan niyang magdala ng damit.

Mabilis siyang nagtu-ngo sa kanyang kuwarto. Hinagilap ang kanyang backpack at mabilis na isinilid ang laptop at ilang mahahalagang gamit. Kinuha sa ilalim ng kama ang isang itim na luggage. Inilagay doon ang mga damit na nasa cabinet. Nang mapuno ay mabilis na isinara. Isinakbat niya ang backpack. Hinila niya ang luggage at mabilis pero maingat na lumabas ng kuwarto. Naidalangin niyang hindi pa nagkakamalay ang manyakis na si Janno. Naisip niyang baka inaabangan siya nito at bigla siyang dambahin. Kailangang maging maingat siya dahil siguradong hindi siya nito titigilan hangga’t hindi nakagaganti sa ginawa niyang paghambas dito. Nararamdaman pa ni Aya ang pananakit ng kanang palad dahil sa mahigpit na pagkakahawak sa mala-king bote ng pabango na inihampas  niya sa pisngi ni Janno. Matibay ang bote sapagkat hindi nabasag. Ni hindi nabuksan kaya walang natapong pabango.

Nang mga sandaling iyon naman ay mabilis na tinawagan ni Sam ang papa ni Aya na si Dr. Paolo del Cruz.

“Doctor, kailangan po ni Aya ng tulong!’’ sabi ni Sam.

‘‘Bakit, napaano si Aya, Sam?’’ Halata sa boses ng doctor ang pagkabigla sa sinabi ni Sam.

Ikinuwento ni Sam ang mga nangyari.

“Nasaktan ba siya, Sam?’’

‘‘Hindi po sinabi. Pero sa boses ni Aya ay takot na takot siya.’’

‘’Paano ko matutulu-ngan si Aya?’’

‘‘Pupunta po ako roon ngayon din. Aabangan ko po si Aya sa kanto.’’

‘‘Pupunta ako, narito pa ako sa ospital at nagra-rounds. Anong street ba iyon Sam?’’

Sinabi ni Sam ang address.

“Pupunta ako roon. Magkita tayo roon Sam. Sabihin mo kay Aya dara-ting ako. Huwag siyang matakot.’’

“Opo Doktor. Aaalis na po ako ngayon din.’’

Mabilis na tumawag ng taxi si Sam. Kaila-ngang makarating agad siya roon at baka kung ano na ang nangyayari kay Aya. Tiyak na gaganti ang demonyong si Janno sapagkat nasaktan sa pagpalo ni Aya.

Nakarating si Sam sa kanto. Doon siya maghihintay.

“Manong, puwede hintayin mo na kami. Papa­rating na ang kasama ko. Ako na po ang bahala sa inyo,’’ sabi ni Sam sa drayber.

‘‘Sige no problem. Teka at itatabi ko nang maayos.’’

“Puwede po paki-blink mo ang ilaw para makita niya..’’

“Hazards?’’

“Opo.’’

Binuksan ng drayber ang ilaw.

“Saan ba siya manggagaling?’’

“Diyan po sa kalyeng ‘yan.’’

Pero ilang minuto na silang naghihintay ay hindi pa dumarating si Aya.

(Itutuloy)  

 

AKO

AYA

DR. PAOLO

JANNO

MABILIS

PUPUNTA

SAM

SIYA

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with