^

True Confessions

Halimuyak ni Aya (30)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

“NAILIHIM ko ang pagbubuntis sa aking mga magulang. Ayaw kong masaktan sila. Tinulu-ngan ako ng mga pinsan ko na mailihim ang lahat. Ipinagtapat ko kasi sa kanila ang mga nangyari at awang-awa sila sa akin. Kaya nang manganak ako sa isang ospital, ang mga pinsan ko ang naroon. Sila ang nag-ambag-ambag sa gastos. Tuwang-tuwa sila nang makita ang baby ko. Ako naman ay hindi napigilan na mapaiyak dahil iniisip ko ang magiging kinabukasan ng anak ko. Paano kami. Pero sabi ng mga pinsan ko, huwag daw akong matakot at handa nilang tulungan ako.”

“E bakit naman napadpad ka rito sa amin?” tanong ni Nanay Cion.

“Paano po’y nasabi ng isa kong pinsan na hinahanap daw ako ni Paolo. Ilang beses na raw niya nakitang paali-aligid sa aming tirahan. Mula kasi nang magbuntis at manganak ako ay sa isa kong pinsan na ako tumira. Kaya ang pinayo ng pinsan ko e kailangan daw e lumayo muna ako at itago ang anak kong si Aya. Huwag ko raw ipakita sa walanghiyang ama. At ano raw ang malay ko baka kidnapin ang aking anak. Siyempre, utos iyon ng matapobreng ina ni Paolo. Kailangan daw ay sa isang lugar na hindi ako masusundan magtago.

“Problemado na naman ako. Panibagong pagtakbo na naman. Pagod na pagod na ako. Pero nang ipaalala ng pinsan ko na kailangang lumayo agad ako at baka malaman ni Paolo ang aking balak, natakot ako. Talagang naipangako ko sa aking sarili na hindi ko ipasisilip si Aya sa walang paninindigang lalaking iyon. Kahit anong mangyari, hindi niya  makikita si Aya.

“Agad pong kinontak ng isa kong pinsan si Ate Lina. Noong una po ay ayaw pumayag si Ate Lina dahil mahirap daw po ang buhay dito. Hindi raw po ako nababagay dito. Isa pa, ayaw ni Ate Lina na sa bahay nila ako tumira dahil mayroon daw kakaibang ugali ang asawa niya. Med­yo natagalan pa bago sumagot si Ate Lina. Nang sumagot, sinabi na puwede na akong magtungo rito dahil may nakita na siyang puwede kong tirahan. Pero ipinaalala niya na mahirap ang buhay dito. Medyo malayo sa kabihasnan daw.

“Hanggang sa makara-ting nga ako rito. At agad po akong dinala rito sa inyo, Nanay Cion. Sabi ni Ate Lina, mababait daw kayo. At saka sinabi rin na baka makatulong ako sa inyong apo. Iyon pala ay si Sam na kailangang-kailangan ang gatas mula sa suso ko…”

“Hulog ka nga ng la­ngit sa amin, Brenda. Akalain ba namin na ang magpapasuso kay Sam ay isa palang magandang estudyante mula sa Maynila…”

“Hindi naman po ma­ganda, Nanay.’’

“Maganda ka Brenda. Kung hindi ka ba maganda ay magugustuhan ka ng lalaking magdodoktor.’’

“Pero inapi lang po ng matapobreng ina niya.’’

“Meron pala talagang ina na ganoon ang ugali ano. Sa halip na payuhan ang anak na pakasalan at panagutan ang nabuntis ay gusto magsama na lang kayo. Talagang aping-api ka.’’

“Oo nga po. Kaya nga naipangako ko, hindi ko ipakikita sa kanya si Aya.”

“Tama lang ang gagawin mo, Brenda. Huwag mong ipakita si Aya.’’

Napabuntunghininga  si Brenda.

“Kaya lang iniisip ko   po ang kinabukasan ni Aya. Hindi habang panahon ay narito kami. Baka magtungo na rin po uli kami sa Maynila…”

(Itutuloy)

AKO

ATE LINA

AYA

BRENDA

DAW

KAYA

NANAY CION

PERO

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with