Alakdan (225)

 MALAKI ang kuwarto nina Mayette at asawa nito. Naroon pa rin ang mala­king kama. Maraming ga­mit sa loob. Nakapasok na rito si Troy pero noong nilinis niya. Ni hindi niya sinilip kung ano ang laman ng mga built-in cabinet. Noong magsama sila ni Mayette, sa isang kuwarto sila nagsiping. Hindi naisip man lang ni Mayette na magtalik sila sa kuwartong ito.

“Nakapasok ka na ba sa kuwartong ito, Troy?” tanong ni Digol.

“Minsan lang, Digol. Winalisan ko ito. Pero noon pang makaraang mama- tay si Mayette.’’

“Hindi mo pa alam kung ano ang laman  ng cabinet?”

“Hindi.”

“Baka nandiyan ang ka­sagutan sa hinahanap natin.’’

Binuksan ni Troy ang cabinet. Matibay na kahoy ang cabinet. Narra yata dahil nang hatakin niya ang pinto ay mabigat at makapal.

Nakita nila ang mga na­kasalansan na maleta at bag. May mga photo album. May lumang makinilya. May mga libro. May nakita si Troy na mga damit ng Arabo na nakatiklop sa dakong dulo ng cabinet. Amoy napthalina sa loob. Wala silang nakitang mga insekto o ipis man lang. Siguro’y dahil sa napthalina at isa pa, mahigpit ang pagkakasara ng pinto.

“Ilabas natin lahat ang mga maleta at bag, Troy.”

“Oo, Digol.’’

Hinatak ni Digol ang   isang maleta na nasa bungad. Ang mga bag naman ang kinuha ni Troy at inilagay sa gitna ng sahig.   May limang maleta na pawang may laman sapagkat mabigat ang mga iyon.

“Buksan ko na ang mga ito, Troy?”

“Oo. Nakasusi ba?”

“Hindi.’’

“Sige, buksan mo na at didiyinggel lang ako, Digol.’’

Lumabas na si Troy.

Binuksan ni Digol ang isang maleta. Nang mabuk­san, nakita niya ang mga damit na maayos na nakatiklop. Pawang mga damit ng lalaki, Marahil ay damit ng papa ni Kreamy.

Inilabas ni Digol ang mga damit. Ang iba ay mga bago pa at nasa plastic. Hindi pa naisusuot.

Wala siyang ibang nakita roon kundi mga damit ng lalaki.

Binuksan naman niya ang ikalawang maleta. Nahirapan siyang buksan ang siper. Kailangan niyang puwersahin na hatakin. Parang kinalawang na dahil luma na ang maleta.

Nang mabuksan, nagulat si Digol sapagkat may isang handbag doon na pambabae na tila mara-ming laman sa loob.

Dinampot niya ang handbag. Binuksan. Nagulat siya sa laman.

Eksaktong pumasok si Troy.

“Ano ito, Troy? Tingnan mo?” (Itutuloy)

Show comments