ALAKDAN (206)

NAKAHANDUSAY sa suwelo ng banyo si Mama Mayette. Walang malay o patay na? Hubo’t hubad ito. May nakita siyang pasa sa noo at mayroon din sa siko. Nadulas at nabagok siguro. Nakita niya ang bukas na gripo at tumatapon ang tubig.  

“Mayette! Mayette!”

Dinaluhan niya ang matrona. Kinabahan siya na baka patay na si Mayette. Ang unang naisip niya ay damahin ang dakong may leeg kung mayroon pang pulso o pagtibok. Palibhasa’y kina-kabahan at wala namang kasanayan sa ganoong sitwasyon, hindi niya alam kung may tibok pa. Mali yata ang pagkakasalat niya sa dakong leeg. Wala na yatang tibok!

Hinipo pa niya sa kabilang side ng leeg. Wala rin. Patay na yata! Pero mainit naman at naikikilos niya ang leeg. Nalalanghap niya ang alak. Lasing marahil nang mangyari ang insidente. Nadulas.

“Mayette! Mayette!’’

Walang tugon. Kaila-ngang dalhin na sa ospital si Mayette.

Mabilis siyang kumuha ng tuwalya at damit ni Mayette.

Mabilis niyang nabihisan. Binuhat at nailabas ng bahay. Eksaktong isang taxi ang nagdaan at iyon ang tinawag niya. Tinulungan siya ng drayber sa pagbuhat kay Mayette. Naiayos ang katawan nito sa hulihang upuan. Doon na rin sa huling upuan naupo si Troy para maalalayan si Mayette.

“Sa ospital tayo, Pare. Pakibilisan mo lang. Emergency.’’

‘‘Inatake ba?’’

‘‘Oo’’

Pinasibad ang taksi. Mahusay ang drayber sapagkat nakalusot sa mga bahaging matrapik. Kabisado ang short cut patungo sa ospital.

Iglap lang ay nasa harapan na siya ng emergency room ng ospital. Nakahanda na ang pambayad niya sa taksi kaya nang maibaba si Mayette ng mga attendant at nailipat sa stretcher ay naiabot na agad niya ang P500 sa drayber. Hindi na niya tiningnan kung may sukli pa siya. Mabilis ding umalis ang taxi.

Sa emergency room ay agad na dinaluhan ng mga doktor si Mayette. Isang doktor ang nagtanong kay Troy kung ano ang nangyari. Sinabi niya ang lahat.

Kung anu-ano ang mga kinabit kay Mayette. Nilag­yan ng oxygen. May iki­nabit para ma-monitor ang rate ng puso at kung anu-ano pa.

Nilapitan siyang muli ng doktor na nagtanong kanina at sinabing sa la­bas na maghintay. Kina­bahan si Troy. Ano kayang mangyayari?

Lumabas ng ER si Troy at naupo sa silya. Nakahanay ang maraming silya. Iilan ang mga taong naroon at ang iba ay natutulog. Mayroong katabi sa upuan ang bag ng damit. Yung isang naghihintay ay ginawang unan ang bag.

Naupo si Troy. Ngayon siya nakaramdam ng pagod. Lambot na lambot siya. Antok na antok. Nang tingnan niya ang relo, alas dose ng hatinggabi. Kaya pala halos wala nang tao sa kalye kaninang inilabas niya si Mayette sa bahay. Mabuti na lamang at may nagdaang taxi. Kung walang nagdaang taxi, ano kaya ang gagawin niya?

Ano kayang nangyari kay Mayette? Kung patay na si Mayette, mahihirapan siyang tanggapin. Malaki ang utang na loob niya rito. Kung hindi dahil kay Mayette, hindi siya makakarating sa kinaroroonan niya ngayon.

(Itutuloy)

Show comments