NAAPEKTUHAN na yata ng alak ang utak ni Mama Mayette at sinusumpong na naman ng pagkatopak. Pati ang sketch ni Kreamy ay pinagdiskitahang sira-in. Nakatago sa cabinet ang sketch pero nakita rin. Sabagay kahit naman sirain niya ang sketch ay wala na siyang pakialam. Hindi na siya nanghihinayang. Nabigla lang siya kanina nang sabihin na huwag sirain ni Mayette ang sketch. Ano pa bang pakialam niya sa sketch ng sinungaling na babae.
“Hindih kah makapagsalitah anoh? Siguro nga’y gusto mo pa ang malan-ding babae. At bakit ngah itinatagoh moh pah ang sketch na ito?”
“Wala akong gusto kay Kreamy. Di ba ikaw ang nagsabi na malandi ang babaing iyon?’’
“Bakit mo itinagoh itoh?”
“Hindi ko itinago yan. Talagang maglilinis na ako ng cabinet at itatapon ko ‘yan. Naunahan mo lang ako sa paghalungkat.’’
Hindi nagsalita si Ma-yette. Binitiwan ang sketch na warat na warat. Nagkalat sa sahig ang mga piraso ng illustration board.
“Akina yang bread knife. Hindi ka dapat humahawak niyan. Mamaya masugatan ka niyan. Akina ‘yan.”
Ibinigay ni Mayette.
“Matulog ka na para mawala ang galit mo. Lasing ka lang kaya ganyan ka.’’
“Hindih ako lasing. Iinom pa ako.’’
“Bukas ka na lang uli umi nom. Matulog ka na.’’
“Isang shot na lang at matutulog na ako.’’
Hinayaan ni Troy. Nagtungo na siya sa kuwarto para matulog.
Nang magising siya ng hatinggabi para umihi, nakita niyang nasa salas pa si Mayette at umiinom. Ang isang shot na sinabi kanina ay naging isang bote. Alcoholic na talaga si Mayette. Hindi na mapigilan ang sobrang pagkasugapa sa alak. Hindi na kayang kontrolin ang sarili at gusto’y laging iinom.
Hindi na niya pinakailaman. Tama na ang pagpapaalala niya. Hindi na ito bata. Kung ang gusto niya ay magpa-kamatay sa pag-inom, bahala siya. Wala na siyang magagawa pa.
ISANG gabi, naatrasa-do ng dating si Troy. Nagtaka siya nang hindi makita sa salas si Mayette. Himala na hindi yata umiinom ng alak. Wala siyang nakitang bote sa salas.
Nasaan kaya? Baka umalis para bumili ng alak? Posible yun.
Papasok na sana siya sa kuwarto nang bigla siyang kutuban. Baka naman may nangyaring masama kay Mayette.
Hanggang sa makarinig siya ng lagaslas ng tubig sa banyo. Bukas ang gripo. Nasa banyo si Mayette.
“Mayette! Mayette!”
Tinungo niya ang banyo. Kinatok. Ayaw buksan! Ilang katok pa niya pero walang kumikilos sa loob.
Isang pasya ang ginawa niya. Winasak na niya ang pinto. Sinipa niya nang sinipa ang dakong may seradura para mabuksan. Umangat ang seradura. Hanggang sa mabuksan.
Natambad sa kanya si Mayette.
(Itutuloy)