Alakdan (199)
“ISIPIN mo, Troy bakit biglang lumayas dito ang malanding babae. Kahit ba hindi kami nagbabatian, e puwede rin naman siya ritong tumira dahil may karapatan siya. Hula ko, magkasama sila ni Digol ngayon. Iniwan na ni Digol ang babaing ipinalit sa akin…’’
Halos hindi kumukurap si Troy habang nakatingin kay Mama Mayette. Seryoso si Mama Mayette.
“Minsan kasi, nahuli ko rin silang nag-uusap pero hindi na ako nagpakita pa. Iniwasan ko nang makipag-away dahil natatalo rin naman ako. Pinagtutulungan kasi nila ako. Narinig kong sabi ni Digol, handa raw niya akong iwanan basta makasama lamang ang malanding si Kreamy. Kailangan lamang daw ay makapag-ipon siya nang maraming pera bago sila magsama. Sa malayo raw sila pupunta. At alam mo ang sagot ng malandi, payag daw siya sa balak ni Digol. Tinuruan pa nga niya si Digol kung paano makakahuthot ng pera sa akin. Sabi pa ng malandi, alam daw niya kung nasaan ang pera at alahas ko. Ituturo raw niya lahat kay Digol. Napaka-walanghiya at napaka-sama ng babaing iyon. Kaya nga bigla ko lahat ipinagbili ang mga lupain namin sa Marinduque at Oas. Kasi baka ang makinabang lamang ay ang walanghiya at makating babae…’’
Hindi pa rin kumukurap si Troy sa pagkakatingin kay Mama Mayette. Ang mga sinabi ni Mayette ay hindi nakasaad sa diary. Ang tanging nabasa niya roon ay ang may kaugnayan sa alahas na pasalubong ng papa niya. Ayon sa diary, ang mga alahas na pasalubong ng papa niya ay kinuha lahat ni Mayette at hindi niya alam kung saan dinala.
Nalito na naman si Troy. Sino kaya ang nagsasabi ng totoo?
“Kaya nga malaki ang hula ko na magkasama ngayon sina Digol at ang malanding babae. Palagay ko rin, pera na nahuthot sa akin ang pinagpapasasaan nila. At palagay ko, maraming nanakaw sa akin ang malanding babae bago lumayas. Kasi’y yung aparador kong pinagtataguan ng mga alahas na galing sa Saudi ay nadiskubre kong bukas at may nawawalang mga alahas. Mga Saudi gold pa naman iyon. Matataba ang mga kuwintas. Ang malanding babae ang kumuha ng mga iyon tiyak ko, dahil siya lamang ang nakaaalam kung saan nakalagay ang mga alahas.”
“Baka naman si Digol ang kumuha,’’ sabi ni Troy.
‘‘Posible. Itinuro sa kanya ng malandi.’’
Napatangu-tango si Troy.
“Malaking pera ang nadugas sa akin ng mga hayop na yun. Kaya mainit na mainit ang dugo ko sa kanilang dalawa! Huwag na huwag mong babanggitin sa akin ang pangalan ng malanding babae!’’
Nag-isip si Troy. Posible nga ang mga sinabi ni Mayette. Kung nahuli niyang nagtatalik ang dalawa noon, malamang na sila nga ang nagsasama ngayon. Pero ang alam niya, hindi mahilig si Digol sa kasing-edad niya. Mas gusto ang matrona.
“Naniniwala ka na sa akin, Troy ukol sa masamang babae?’’
Tumango si Troy.
Napangiti si Mayette.
Mula noon, hindi na binasa ni Troy ang diary ni Kreamy. Balak niyang itapon o sunugin na ito.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending