“DI ba magkasama naman tayo habambuhay, Troy?”
Napatango na lang si Troy sa tanong ni Mama Mayette. Wala naman siyang choice. Sumang-ayon na lang siya nang sumang-ayon para walang problema. Pero sa isip niya, kapag nakatapos siya ng pag-aaral at nakakuha nang magandang trabaho, babayaran niya si Mayette sa mga nagastos nito. Kahit na sobrang bayad pa siya kay Mayette dahil napagpasasaan na nito ang katawan niya, ibabalik pa rin niya ang mga nagastos nito. At kapag nabayaran na niya si Mayette, kanya-kanya na sila. Gagawa siya nang sarili niya. Hindi siya habambuhay na sisilong sa mga pakpak ni Mayette.
“O anong iniisip mo, Troy?”
Nagulat si Troy sa tanong ni Mayette pero hindi siya nagpahalata. Nakaisip agad ng dahilan.
“Naiisip ko kung ano pa ang dapat gawin dito sa painting mo.”
“Matagal pa ba bago matuyo ‘yan?”
“Oo.”
“Matagal pa pala bago maisabit sa salas.’’
“Kailangan, tuyung-tuyo ito at saka ipi-frame.’’
“Gusto ko mamahaling frame ang gamitin, diyan Troy.’’
“Oo. Akong bahalang humanap ng gagawa.’’
“Kahit mahal okey lang sa akin.”
KAHIT na abala sa pag-aaral si Troy at sa pagpipinta kay Mayette, hindi naman niya nalilimutan si Kreamy. Ilang beses pa siyang nagtungo sa mall kung saan ay nakita niya si Kreamy pero hindi niya nakita. Maaaring napadaan lamang ng araw na iyon sa mall si Kreamy at hindi na naulit.
Hindi naman nawalan ng pag-asa si Troy na makikita si Kreamy.
Minsan, nakatuwaan ni Troy na i-sketch si Kreamy. Isang picture ni Kreamy ang pinagkopyahan ni Troy. Nakuha niya ang picture sa kuwarto ni Kreamy.
Balak ni Troy, ibibigay niya kay Kreamy ang ini-sketch kapag nagkita sila.
(Itutuloy)