SAKA na lang niya itutuloy ang pagbabasa ng diary ni Kreamy. Marami pa siyang babasahin. Makapal ang diary at hindi pa siya nangangalahati. Pinagbuhusan nang panahon ni Kreamy ang pagsusulat sa diary. At malay ba niya kung sa diary ay makakuha siya ng inpormasyon kung nasaan si Kreamy. Baka may mabanggit ito sa diary na magtuturo kung saan nakatira.
Itinago niya ang diary. Siniguro niyang hindi makikita ni Mayette. Kapag nakita ito ni Mayette, tiyak na malaking problema. Masyadong malaki ang galit ni Ma yette kay Kreamy sapagkat hindi niya ito anak. Ang galit sa kanyang asawa ay ibinunton lahat kay Kreamy. Kawawang Kreamy na maraming inabot na pahirap at sakit ng kalooban sa nakila-lang ina! Sana ay magkita sila ni Kreamy balang araw. Kapag may libre siyang oras, pupunta uli siya sa shopping mall na kinakitaan dito. Hindi siya maaaring magkamali na si Kreamy ang nakita sa mall.
Kapag nagkita sila ni Kreamy, at least mayroon na siyang ipagmamalaki rito. Nag-aaral siya at sa darating na panahon ay makakatapos at magkakaroon nang maayos na trabaho. Hindi na siya ma ngingimi sa paghaharap nila ni Kreamy. Ang isang ikinatatakot niya ay kapag nalaman ni Kreamy na nakipagrelasyon siya kay Mayette. Noon pa, sinabi na sa kanya ni Kreamy na huwag nang dagdagan ang kasalanan ng kanyang mama. Nakiusap ito noon na huwag papatulan ang panunukso ng kanyang nakagisnang ina.
Kung magkikita sila, ipaliliwanag niya kay Kreamy ang lahat kung bakit nangyari iyon. Mauunawaan naman siguro siya ni Kreamy.
PINAGBUTI ni Troy ang pag-aaral. Lumabas ang tunay niyang talento sa pagguhit. Kinakitaan siya nang husay. Matataas ang kanyang grado. Nangu-nguna siya sa klase.
Tuwang-tuwa naman si Mayette kapag ipinakikita ni Troy ang kanyang grado. Sabi ni Mayette, hindi siya nagkamali sa pagpili kay Troy. (Itutuloy)