Alakdan (178)
HINDI nakita ni Troy si Kreamy. Mag-aala-una nang lumabas siya sa restoran. Tumambay nang may kalahating oras sa labas ng restoran sa pag-asang dadaan si Kreamy pero wala talaga. Bigumbigo siya. Baka naman hindi si Kreamy ang nakita niya at kamukha lang.
Nang mag-1:30 p.m. ipinasya niyang umalis na. Kailangang makarating siya sa bahay ng 2 :00 p.m. Iyon ang pangako niya kay Mama Mayette, bago mag-2:00 ay dara-ting siya. Hindi niya dapat sirain ang pangako kay Mayette at baka makahalata na.
Sampung minuto bago mag-alas dos ay nasa bahay na siya. Nakaabang na sa salas si Mayette at nanonood ng sine. Pero alam ni Troy, hinihintay na siya ni Mayette. Nang sumungaw siya sa pinto ay sumulyap si Mayette sa malaking wall clock na nasa itaas ng pinto.
‘‘Ang aga mo, Troy. Natapos agad ang klase mo?’’
“Oo, 1:30 natapos. Di ba sabi ko alas dos ako darating. Nagmamadali nga ako at baka ma-late ay magalit ka sa akin. Hindi na nga ako nagmeryenda sa canteen sa pagmamadali na makauwi...’’
Nakatingin si Mayette na tila paniwalang-paniwala kay Troy. Nahahabag dahil sa ginawa nitong pagmamadali para makauwi.
Lumapit ito kay Troy at niyakap. Humilig sa dibdib. Naramdaman ni Troy ang malalambot na suso ng matrona.
“Hindi naman ako nagagalit. Nataon lang na mainit ang ulo ko noon kaya nakapagsalita ako nang hindi maganda. Pero ngayon ay uunawain na kita, Troy...’’
Tahimik lang si Troy. Sana nga totoo ang sina-bi nito.
“Mabait naman ako di ba Troy. Kita mo nga’t lahat nang gusto mo e binibili ko. Basta ako lang ang mamahalin mo, lahat nang gusto mo ay ibibigay ko. Magsabi ka lang…’’
Hindi pa rin nagsasalita si Troy. Hinayaan ang matrona na magsalita nang magsalita.
“Gusto mo ibili kita ng kotse? Sabihin mo lang. Ano Troy?”
“Hindi ako marunong mag-drive.’’
“E di mag-aral ka.’’
“Saka na lang. Magko-concentrate muna ako sa pag-aaral. Mas priority ko ang makatapos...’’
Bumitaw sa pagkakayakap si Mayettte at tiningnan si Troy. Humahanga rito.
‘‘Bilib ako sa’yo, Troy. Malayung-malayo ka sa pinsan mong si Digol na pawang panghuhuthot ang ginawa sa akin. Sayang, sana yung mga binigay ko sa kanya, e sa’yo ko na lang binigay…’’
(Itutuloy)
- Latest
- Trending