Alakdan (175)
WALANG kurap si Troy sa nakitang babae na ang tingin niya ay si Kreamy. Si Kreamy nga ba yun?
Mabilis na tumayo si Troy at lumabas ng restaurant para habulin ang babaing sa tingin niya ay si Kreamy. Muntik pa niyang mabangga ang isang customer na may dalang pagkain sa tray dahil sa pagmamadaling lumabas.
Hinanap niya ang babae. Pero wala na siyang nakita. Mabilis maglakad ang babae at siguro’y nakahalo agad sa karamihan ng mga taong nagsa-shopping. Sale kasi kaya maraming tao. Nagbakasakali pa si Troy na baka makita ang babae kaya nag-abang sa dako pa roon. Pero wala na. Hinayang na hinayang siya. Hindi siya maaaring magkamali na si Kreamy ang nakita. Si Kreamy lang ang may mukhang ganun kaya hindi siya maaaring magkamali.
Ipinasya niyang bumalik sa loob ng restaurant.
Pagbalik niya, naroon na si Mayette. Nakasimangot.
Agad nag-isip ng dahilan si Troy kung bakit bigla siyang lumabas. Kahit na hindi nagtatanong, nangum-pisal na.
“Nakita ko ang pinsan ko sa labas pero hindi ko inabutan. Mabilis maglakad. Napahalo sa maraming tao…’’
Pero nakatingin lang si Mayette. Parang hindi naniniwala sa sinabi niya.
‘‘Saglit lang naman akong nawala.’’
“Kahit na saglit kang nawala maaari kang manakawan!”
Sabi ni Mayette na nakataas ang kilay.
Saka naalala ni Troy ang kanyang laptop. Nasaan ang kanyang laptop?
‘‘Nasaan ang laptop ko, Mayette?’’
Hindi sumagot si Ma-yette. Nakatingin lang kay Troy. Kinabahan na si Troy. Baka nasalisihan siya? Baka nadagit na ang laptop niya. Pinagpawisan siya nang malamig. Nakapatong sa isang bakanteng silya ang bagong laptop.
“Nasaan ang laptop ko, Mayette?’’
“Malay ko! Siguro may dumampot?’’
Lalong pinagpawisan ng malamig si Troy. Tiyak na away na naman ito. Siguradong pag-uwi nila sa bahay baka kung anong masasakit na salita ang marinig niya.
“Saglit lang akong lumabas, Mayette. Imposible namang nadampot agad.’’
‘‘Wala nang imposible ngayon sa mga kawatan. Makalingat ka lang ng isang segundo pati bayag mo tatangayin!’’
Hindi na sumagot si Troy pero malakas ang tambol ng dibdib niya. Kung nawala nga ang laptop, malaki ang kasalanan niya dahil bigla siyang umalis. At tiyak na kakain na naman siya nang masasakit na pananalita.
“Saan ka ba talaga nagpunta?’’ Tanong ni Mayette.
Eto na ang kinatatakutan niya. Baka magwala si Mayette. Kakahiya. (Itutuloy)
- Latest
- Trending