Alakdan (142)

KINABUKASAN, umalis uli ng bahay si Troy para maghanap ng trabaho. Sa Quiapo naman siya pupunta. Baka sakaling doon siya makatisod at maisalba ang nararamdaman niyang paghihirap sa mga darating na araw.

Binaybay niya ang Que­zon Blvd. Nakita ang isang panciteria sa may makalampas ng Raon St. Nakita niya ang isang babaing crew.

“Miss nangangailangan ba kayo ng tagahugas ng pinggan diyan?”

Tiningnan siya ng babae. Parang ayaw maniwala kay Troy. Siguro’y hindi bagay kay Troy na maging dishwasher.

“Ikaw ang mag-aaplay?”

“Oo.”

Nagtawa ang babae.

“E mas guwapo ka pa sa may-ari ng restaurant na ito!”

“Miss totoo ang sinasabi ko. Naghahanap ako ng trabaho. Kailangan kong magkatrabaho dahil magugutom ako. Sige na Miss.’’

“Kausapin mo ang may-ari. Yung nasa kaha.’’

Agad tinungo ni Troy ang lalaking nasa kaha. Seryosong-seryoso ang lalaki sa pagkukuwenta.

“Sir, mag-aaplay po akong dishwasher dito sa inyo. Baka maaari mo akong tanggapin.’’

Tiningnan siya ng lalaki.

“Wala e. Katatanggap ko lang kamakalawa ng taga-hugas.”

“Baka po kailangan mo ng waiter?”

“May experience ka bang mag-waiter? Baka tuturuan ka pa namin?”

Hindi nakasagot si Troy. Wala siyang experience sa pagwi-waiter.’’

“Wala ano? Nakikita ko nga na wala kang experience. At saka gusto ko sana, babae ang taga-silbi. Sori ha, sa iba ka na lang mag-aplay,” sabi ng may-ari.

Tumalikod na si Troy.

Paglabas ay nakita niya ang babaing pinagtanungan kanina.

“Anong sabi?”

“Wala raw.”

“Hindi ka naman kasi bagay na taga-hugas.’’

Hindi na sumagot si Troy. Lumabas na.

Ilan pang restaurant ang sinubukan niyang pag-aplayan bilang taga-hugas pero wala talaga.

Nang wala nang makitang restaurant sa Quiapo, umuwi na si Troy. Bigumbigo siya. Walang suwerte.

Kinain niya ang natirang kanin sa kaldero.

Nang makakain, sumilip siya sa nakaawang na bintana. Tinanaw ang bahay ni Mayette. Nagtataka siya kung bakit hin­di nakikita si Mayette.

Ano kaya at puntahan niya si Mayette? (Itutuloy)

Show comments