HANGGANG sa maalala ni Troy na mayroong nabanggit si Kreamy noon na isang kaibigang babae. Sinabi ito noong unang dinala sa ospital ang papa nito. Naikuwento ni Kreamy ang kaibigan dahil yung papa rin nito ay naospital. Pati ang tirahan ng kaibigan ay nabanggit din ni Kreamy.
Pilit na inalala ni Troy ang pangalan ng kaibi-gang babae. Kaklase ito mula high school at sa iisang unibersidad din daw sila nagtapos. Ang kaibigan daw na ito ang nakapuna sa ugaling ipinakiki- ta ni Mayette kay Kreamy. Naitanong daw nito kung bakit laging mainit ang dugo ni Mayette.
Cecille! Tama! Cecille ang pangalan ng kaibigan at classmate ni Kreamy. Naalala ni Troy ang address ni Cecille. Sa Laon-Laan St. malapit daw sa isang ospital.
Kinabukasan, paglabas sa trabaho, sa Laon Laan na siya nagtungo. Hinanap muna niya ang isang ospital. Nakita niya. Nasa kanto pala ng Laon-Laan at Forbes. Mula sa ospital, hinanap niya ang mga kabahayan sa paligid. Sunud-sunod na apartment ang naroon. Alin doon? Parang naghahanap siya ng karayom sa dayami.
Pero malakas ang kutob niya na makikita ang hina-hanap na si Cecille at may malalaman ukol kay Kreamy. Nagtanung-tanong siya sa mga nakakasalubong. Hanggang sa isang estudyanteng naka-uniporme ng puti ang napagtanungan niya kung may kilalang Cecille sa Laon Laan St.
“Yung pinsan ko, Cecille ang pangalan. Baka yun ang hinahanap mo.”
“Nasaan siya? Puwede ko bang makausap.”
“Nasa banko siya. Teller doon.”
Ibinigay ng estudyante ang address ng banko sa Escolta. Nagpasalamat si Troy. Noon din ay nagtungo siya sa banko sa Escolta at nakaharap si Cecille.
“Ako nga si Cecille. Kaibigan ko si Kreamy pero matagal na kaming walang communications. Pati cell phone niya, wala na rin.’’
Napabuntunghininga si Troy.
(Itutuloy)