NAGHAGIS ng bulaklak si Kreamy. Bumagsak sa gitna ng kabaong ang bulaklak.
“Papaaa! Papaaa!” Sigaw ni Kreamy at malakas na umiyak.
Kumilos naman ang iba pang mga taong nakiramay at bawat isa’y naghagis ng bulaklak sa kabaong na nasa lalim na anim na talampakan. Tanging si Mayette, napansin ni Troy, ay hindi nag hagis ng bulaklak. Nakatingin lamang ito sa mga bulaklak na inihahagis at bumabagsak sa kabaong. Siguro, hindi naniniwala si Mayette sa mga pamahiin. Nakaugalian na ang pagpapabaon ng bulaklak sa namatay ay nag bibigay daw ng kaluwagan dito at madaling aakyat sa langit ang kaluluwa. Hindi na raw maghihirap pa.
Natapos ang libing. Tinakpan na hukay. Unti-unti nang nag-alisan ang mga tao. Si Kreamy ay nanati-ling nakatayo sa harap ng hukay. Si Mayette ay nasa di-kalayuan. Malalim ang iniisip. Wala namang makitang kalungkutan sa pagkawala ng asawa.
Ipinasya ni Troy na mauna na sa pag-uwi. Kailangan niyang matulog kahit dalawang oras sapagkat magdamag na naman siyang mag tatrabaho. Tiyak na marami na naman siyang iinspeksiyuning mga de-lata. Ilang araw din na kulang ang kanyang tulog dahil sa pakiki- ramay kay Kreamy.
Hindi na siya nagpaalam kay Kreamy sapagkat ayaw niyang abalahin sa pagkakataong iyon. Isa pa, tiyak na makikita siya ni Mayette. Baka kung ano ang isipin ni Ma-yette. Baka kumprontahin siya at kung ano ang mangyari. Iiwasan niyang mangyari ang ga noon. Ayaw niyang madagdagan ang problema ni Kreamy. Naaawa siya kay Kreamy.
MAKALIPAS ang dalawang araw, nagtataka si Troy kung bakit hindi nakikitang lumalabas si Kreamy. Baka nagkukulong sa kuwarto. Maging si Mayette ay hindi niya nakikita. Kapag sumisilip siya sa bintana, tinatanaw niya si Kreamy, pero wala talaga siyang makita. Baka kung ano na ang nangyayari kay Kreamy.
Naglakas-loob si Troy na tawagan sa cell phone. Pero recorded voice ang naririnig niya. Cannot be reached daw ang number na tinatawagan. Nasaan na kaya si Kreamy?
(Itutuloy)