Alakdan (103)

TIYAK na may nangyari sa ama ni Kreamy kaya humihingi ito ng tulong. Mabilis na lumabas ng kuwarto si Troy at nagtungo kina Kreamy.

Pagdating niya sa gate ay naroon si Kreamy at umiiyak.

“Troy, dalhin na­tin sa ospital si Papa. Hindi maka­hinga, Kanina pa umu­ungol.’’

Takbo sila sa loob ng bahay. Nasa salas si Mayette na hindi makitaan ng pag-alala. Sumunod ito sa kanila nang tinungo ang kuwarto na kina­roroonan ng papa ni Kreamy.

“Papa! Papa!”

Hirap na hirap ang papa ni Kreamy. Tila nagkukulay-talong na. Masama ito. Atake nga yata sa puso.

“Magpatawag ka ng taxi. Bubuhatin ko.’’

“Meron na, Troy kanina pa nakaabang sa labas.”

Binuhat ni Troy ang papa ni Kreamy. Magaan. Kayang-kaya niya nang sambilatin. Inilabas niya ito sa kuwarto. Nakabuntot si Kreamy at Mayette.

Nasa may gate na ang taxi na kulaly berde at dilaw. Bumaba ang drayber at binukas ang pinto sa likod.

Ipinasok ni Troy ang papa ni Kreamy. Nang maipasok ay sumakay si Kreamy. Umiiyak.

“Papa, huwag mo akong iiwan!” Sabi habang hawak ang kamay ng ama.

“Ikaw na ang sumama, Troy,” sabi ni Ma­yette na nakatayo sa may pintuan ng taxi. “Susunod na lang ako.’’

Ano bang klaseng asawa ito na sa halip na siya ang maghatid sa maysakit na asawa ay eto’t ipinauubaya sa ibang tao. Ibang klaseng babae si Ma­yette na gusto yata ay matigok na ang asawa para nga naman malaya nang magawa ang gusto.

Pero hindi na nagtanong pa si Troy. Mabilis siyang sumakay ng taxi. Pinatakbo ng drayber. Mabilis. Naka-hazards ang ilaw ng taxi habang tumatakbo.

Habang tumatakbo ay naririnig ni Troy ang pag-iyak ni Kreamy. Hindi siya tumitingin sa likuran pero alam niya na hawak ni Kreamy ang kamay ng ama. Alam niya ang nadarama ni Kreamy sapagkat kamamatay lang ng kanyang mga magulang. Magkasunod pang namatay. Parang ayaw niyang alalahanin ang nangyari sa Itay at Inay niya. Masakit mawalan ng magulang lalo pa nga at magkasunod.

“Troy hindi na yata humihinga si Papa! Maitim na ang mga kuko!”

“Relaks lang Kreamy, malapit na tayo. Huwag kang mag-panic.’’

Pero lalo lamang nagpanic si Kreamy.

“Papa huwag mo akong iiwan! Papa!”

Pinabilis pa ng drayber ang taxi. Hanggang sa matanaw nila ang gate ng ospital. Ipinasok doon at tinungo ang EMERGENCY. Nakaabang na ang mga attendant sa pagdating ng pas­yente.

“Papa huwag mo akong iiwan!”

(Itutuloy)

Show comments