AYAW mag-isip ni Troy na may mangyayaring hindi maganda sa kanyang Itay. Hindi niya alam kung ano ang gagawin kapag may nangyari. Mahina ang kanyang loob pagdating sa ganoon. Ang pag-usapan ang kamatayan ay ayaw niya. Hindi mamamatay ang kanyang Itay. Ginagawa niya ang lahat para sa kanyang Itay kaya makakaligtas ito. Hindi siya titigil hangga’t hindi naooperahan ang kanyang Itay. Makakaligtas ang kanyang Itay at magiging maganda muli ang pagsasama ng kanyang magulang. Wala nang magiging problema.
DALAWANG araw ang lumipas, nasa trabaho si Troy nang biglang mag-ring ang cell phone niya.
“Hello.’’
“Hello Kuya Troy. Si Maricel ito.’’
“Ano Maricel? Kumusta si Itay?’’
“May problema Kuya. Kukulangin ang padala mong pera. Inooperahan na si Tiyo Juanito, ang itay mo, pero sabi ng doctor, maghanda raw ng P50,000…’’
Parang tumigil ang mundo para kay Lab. Parang bumigat ang pasan niya sa mga balikat. Kulang pa ng P30,000 kung ganoon ang perang pinadala niya para sa Itay niya. Saan siya kakamot ng ganoong halaga.
“Kuya Troy, sige, mauubos ang load ko. Basta ganun lang ang sabi ng doctor, maghanda ng singkuwenta mil…”
“Oo sige, Maricel, salamat. Gagawa ako ng paraan, Magpapadala ako ng pera. Ikaw na ang bahala kay Inay. Tatawagan kita para hindi ka magastusan sa load.’’
“Sige Kuya Troy.’’
Muling nag-isip si Troy. Kanino siya hihiram ng P30,000? Nakakahiya na kay Mayette na pinahiram siya ng P20,000. Baka malubog siya nang husto kay Mayette ay hindi na siya makaahon.
Sinubukan niyang tawagan si Digol. Baka may maitulong sa kanya. Mayaman ang kabit nito. Baka may maipahiram sa kanya. Babayaran din naman niya.
Pero out of coverage area ang sinasabi ng cell phone niya. Ilang beses pa niyang sinubukan pero ganun pa rin. Baka nasa isang malayong lugar si Digol kasama si Consuelo o Sue. Baka nasa Boracay.
HINDI nakatulog si Troy ng gabing iyon. Sino ang tutulong sa kanya? Sino ang magpapautang sa kanya?
Sinubukan niyang lumapit sa babaing supervisor niya sa department store na pinagtatrabahuhan.
Sinabi niya ang kalagayan ng kanyang Itay. Nasa ospital ito at inooperahan. Iyon ang dahilan kaya kailangan niya ng P30,000.
Pero umiling ang supervisor. Hindi raw sila nagpapautang.
Laglag ang balikat na umalis si Troy.
Hanggang sa magpasya siya. Kailangan uli niya si Mayette. Ito lamang ang makatutulong sa kanya.
Nagtungo siya kina Mayette. Ang nagbukas ay si Kreamy, anak ni Mayette.
“Puwedeng makausap si Mayette?”
“Halika, Troy pasok.”
(Itutuloy)