Alakdan(26)

KABISADO na ni Digol si Mayette. Mahigit isang taon na rin silang may relasyon ng babaing ito. At sa tagal, hawak pa lang niya rito ay tila nakukuryente na ang babae.

Naalala niya nang unang makilala si Mayette. Nagkita lang sila sa Quiapo. Galing siya sa comfort room sa isang building na nasa harap ng Plaza Miranda. Nakasabay niya si Mayette sa escalator. Napansin niya na may bitbit na plastic na supot si Mayette na may lamang DVD. Nagkatinginan sila. Nagkangitian. Palibhasa’y may pang-akit sa kanya ang may edad na babae para bang naging magaan ang loob niya. Siguro rin ay dahil nang panahong iyon ay masama pa rin ang loob niya sa pagkamatay ni Mam Katrina.

Nagpatuloy siya sa paglalakad at inunahan si   Mayette pero nang lingunin niya, nasa likuran pa rin pala niya ito. Nagkangitian uli sila.

Iyon na ang simula. Nagkakilala na sila. At game pala. Ang asawa nga ay nasa Saudi raw. Ang maganda sa pagkikilala nila, may paupahang kuwarto pala ito sa may Dimasalang daw malapit sa bulaklakan sa Dangwa. Nagkataon na naghahanap siya nang mauupahang kuwarto. Nagsasayaw pa siya noon sa gaybar. Inalok siya ni Mayette. Pero alam niya, may motibo si Mayette.

Kinabukasan din lumipat siya sa kuwartong paupahan ni Mayette. Ito na nga ang kuwartong iyon. Doon na sila nagtalik ni Mayette. Sinustentuhan na siya. Pinatigil na nga siya sa pagsasayaw sa gaybar. Sabi ni Mayette, siya ang bahala. E di sige. Basta raw lagi silang magkasama. Para siguro masolo na siya nang todo. Naisip naman ni Digol, mas mabuti nang pumatol siya sa matandang babae kaysa sa bakla. Ayaw niya sa bakla.

Isang taon na ang nakararaan at hanggang ngayon, umaasa siya kay Mayette. Mas mabuti naman ito kaysa magnakaw.

Nakangiti si Mayette habang nagpa-panty. May kislap sa mga mata.

‘‘Okey ba, Mayette?’’

“Kailan ka ba hindi naging okey?’’

“Baka kasi hindi ka na nasasarapan...’’

“Masarap yata. Kita mo nga’t kahit delikado e nagawa kong makipag-ano. Okey ka nga kasi.’’

Nang aalis na si Mayette, inabutan ng pera si Digol. Makapal.

“Dinagdagan ko ‘yan.’’

“Salamat.’’

Bubuksan na ni Digol ang pinto nang maalala ang pinakikiusap na trabaho.

“Yung pangako mo kay Troy. Baka may kilala kang naghahanap ng messenger.’’

“Oo sige. Akong bahala. Bukas uli ha…?’’

Tumango si Digol.

HINDI natulungan ni Mayette si Troy para makakuha ng trabaho. Sa sariling sikap din ni Troy kaya nagkatrabaho. Tuwang-tuwa si Troy nang ibalita sa pinsan na natanggap siyang bagger sa supermarket.

(Itutuloy)

Show comments