Alakdan (20)
“BUMALIK ako sa pagbibilad ng katawan. Wala akong magawa sapagkat wala akong alam na trabaho. At isa pa, nasira na nga ang mga plano ko. Yung mga pinangaral at tinuro ni Kat, nalusaw sa ulo ko. Nawala sa direksiyon ang buhay ko. Kaya kahit na pinagtatawanan ako ng mga dati kong kasama- han sa gaybar, kinapalan ko na ang mukha.
“Sabi pa nga ng mga kasamahan ko, nasaan na raw yung pinagmamalaki kong matrona. Hindi raw ba ako pinamanahan nang malaking pera. Bakit daw balik ulit ako sa pagpapakita ng yagbols? Hindi na lang ako sumagot. Pinalampas ko na lang sa kabilang taynga ang kanilang pambubuska. Noon kasi, nasabi ko sa kanila na hindi na ako babalik sa pagsasayaw. Ang yabang ko pa nang sabihin na gayahin nila ako na nakatisod nang mayamang matrona. Kasi nga, akala ko, tuluy-tuloy ang relasyon namin ni Kat. Hindi ko akalain na mapuputol bigla.
“Ganun pala kapag nabigo. Matagal ko ring dinamdam ang pagkawala ni Kat. Madalas kapag nag-iisa ako ay naaalala ko ang matamis naming pagmamahalan sa apartelle. Naalala ko ang mga sinabi niya na kapag nakatapos daw ako ng criminology ay magiging maligaya siya. Gagawin daw niya ang lahat para mapabuti ang buhay ko. At alam mo, Pinsan kapag naaalala ko ang mga magagandang tagpo na iyon, naiiyak ako. Hindi ko mapigil ang sarili dahil abot ko na sana ang pa-ngarap pero naglaho pa…’’
Tumigil sa pagsasalita si Digol. Tumingin sa kawalan. Hindi naman ma kapagtanong si Troy. Hinayaang palayain ng pinsan ang damdamin nito.
Nang inaakala ni Troy na okey na si Digol ay saka nagtanong.
“Wala ka nang nakitang katulad ni Mam Kat?”
“Meron sana kaya lang umatras ako. Baka mabigo na naman.’’
“E itong si Mayette. Yung may-ari nitong tirahan natin.’’
“Palipasan lang si Mayette, Pinsan…’’
(Itutuloy)
- Latest
- Trending