Alakdan (17)
‘NAGPATULOY ang aming pagkikita ni Mam Kat. Doon sa apartelle sa Roxas Blvd. kami la-ging nagkikita. Doon ako pumupunta. Iyon na ang aming nagsilbing love-nest. Nang tanungin ko kung wala siyang balak na sa ibang lugar kami magkita, sabi niya, tama na raw doon. Kung mag-iiba-iba ng lugar, malaki ang posibilidad na may makakita sa amin.
‘‘Itinanong ko kung ano ang kinatatakutan niya kaya sa apartelle na iyon kami nagpasyang magkita. Dahil daw sa asawa niya at sa iisipin ng iba pa. Sa kabila raw na matagal na silang hiwalay ay hindi pa naman legal ang separation. Kaya kahit anong gawin, mag-asawa pa rin sila sa batas at mata ng tao. Siyempre kahit paano raw may iniingatan pa naman siyang kaunting kahihiyan. Kahit daw ang asawa niya ang unang sumira, hindi pa rin dahilan para gumawa rin siya nang mali. Pero ngayon daw na nakilala niya ako at minahal niya, hindi na niya napigil ang sarili. Bakit nga raw ba niya sisikilin ang damdamin? Matagal na rin naman siyang nagtiis. Matagal na naging walang kibo at martir pa.
“Sa totoo lang daw, matagal niyang pinag-isipan bago tuluyang pumasok sa pakikipagrelasyon sa akin. Imagine, halos anak na raw niya ako. Mala-king kahihiyan iyon kapag nalaman ng iba. Pero ano ang magagawa niya? Kailangan din naman niyang lumigaya.
“Iyon daw ang dahilan kaya iniwasan niya ako at pinagbawalang pumunta sa bahay niya. Gulung-gulo ang isipan niya. Nagsisisi nga raw siya noong una kung bakit nakapunta-punta sa gaybar na pinagtatrabahuhan ko. Kung hindi raw siya nagtungo roon e di hindi niya ako nakilala.
“Hanggang sa bumigay din siya at tinanggap ako. Nagtataka nga raw ang maid niya kung bakit hinayaan na akong makatuloy sa bahay. Hindi lang daw makapagtanong ang maid sa kanya pero sa mukha ay halatang nagtatanong ito at nagtataka.
“Ang isang hindi ko malilimutan sa pakiki-pagrelasyon kay Kat ay nang lumikha siya ng plano sa buhay ko. Kaila-ngan daw magbago ang buhay ko at ako mismo ang gagawa niyon. Kailangan daw makapag-aral ako. Kung makakapag-aral ako, tiyak na magbabago ang buhay ko. Kailangan din daw na umalis ako sa gaybar na aking pinagtatrabahuhan.
“Sabi pa niya, kung may mangyayaring maganda sa buhay ko sa hinaharap, maaalaala ko siya. Hindi naman daw panghabambuhay ang aming relasyon. Matanda na rin siya. Kaya dapat magsimula ako.
“Sinustentuhan ako ni Kat. Umalis ako sa gaybar at nag-enrol sa isang unibersidad. Minsan isang linggo, nagkikita kami ni Kat sa apartelle...’’
(Itutuloy)
- Latest
- Trending