“ANONG ginawa mo nang sabihin ng maid na wala roon ang matrona, Digol?” Tanong ni Troy. Nasasabik siya sa ikinukuwento ng pinsan ukol sa ma-tindi nitong pagkagusto sa matronang si Mam Katrina o Kat.
“Hindi ako naniniwalang wala roon si Mam Katrina. Nakiusap ako sa maid na kahit makita ko lamang si Mam Kat ay okey na sa akin. Pero talagang mataray ang maid. Wala nga raw ang amo at huwag na raw akong babalik. Bigla nitong isinara ang gate. Wala akong nagawa kundi ang umalis.’’
“Pagkatapos niyon anong ginawa mo?”
“Hindi ako sumuko Pinsan. Kahit anong mangyari, gusto kong makita at makausap si Kat.’’
“Talaga bang matindi ang tama mo sa matrona?’’
“Oo. Matindi talaga Pinsan. Hindi ko nga maipaliwanag kung ano ang tumama sa akin at masyado ang pagkagusto ko kay Kat. Tinanong ko nga ang sarili ko kung bakit ako nagkakaganoon pero talagang nangibabaw ang pagmamahal ko sa babaing iyon.’’
“Anong ginawa mo, Digol?”
“Nagpunta uli ako sa bahay ni Mam Kat. Nang makita ako ng maid, nagalit na naman sa akin. Bakit daw ang kulit ko. Sinabi na nga raw niya na huwag nang magtungo roon. Marunong daw ba akong umintindi? Ayaw na raw akong makita ni Mam Katrina kaya huwag nang magtungo roon. Isinara uli ang gate. Muntik pa akong maipit…’’
“Anong nangyari?”
“Hindi ako sumuko. Nagbalik uli ako pagkalipas ng ilang araw. Malakas ang kutob ko, maaawa sa akin ang matrona at papapasukin ako at mag-uusap kami. Kailangan lang ay maging matiyaga.
“Tama ang kutob ko. Naaawa si Mam Katrina. Sabi ng mataray na maid, pumasok na raw ako. Naghihintay daw si Mam sa salas. At inirapan ako ng maid.
“Nagmamadali akong pumasok. Sabik akong makita si Mam Katrina. Naghihintay siya sa salas. Nakatayo. Sabi ko sa kanya, salamat at pinapasok ako.
“Sagot niya, ang tiyaga ko raw. Hanga raw siya sa tiyaga ko. Sagot ko naman, dahil mahal ko siya. Sana ay maniwala siya sa akin. Totoo ang nararamdaman ko sa kanya.
“Maupo raw ako at mag-usap kami nang masinsinan. Pag-usapan daw namin kung ano ang nangyayari sa aming sarili. Sabi ko, sana noon pa kami nag-usap. Sana hindi niya ako iniwasan. Pinahirapan pa niya ako. Pinaasa na magtutungo sa gaybar pero hindi naman niya tinupad. Nag-sorry siya sa akin. Naguguluhan daw siya.
“Nag-usap kami nang masinsinan. Sa sinabi niya, ganap akong nakadama ng kaginhawahan ng kalooban. Sabi niya, mahal din daw niya ako pero…’’
“Pero ano, Digol?”
“Mahirap daw. Delikado.’’
“Bakit?” (Itutuloy)