TAKANG-TAKA si Troy sa ginawa ni Digol na pagtanggi sa perang inaabot ng matronang si Katrina o Kat. Hindi maintindihan ni Troy kung ano ang naisipan ni Digol at hindi tinanggap ang pera.
“Mahal ko nga si Kat, pinsan. Ikaw ba, tatanggapin mo ba ang bayad na pera ng babaing minamahal mo? Basta, hindi ko tinanggap. Ipinagpilitan ko na mahal ko siya at walang kabayaran ang pagmamahal ko sa kanya.”
“Pero mahal ka ba ng matrona, Digol?”
Hindi nakasagot si Digol.
Hindi na tinanong pa ni Troy ang ukol doon. Sa halip, tinanong niya kung ano pa ang mga nangyari sa kanila ni Mam Kat.
“Umalis ako. Pero bago ako umalis, tinanong ko siya kung puwede ba akong dalawin siya. Basta makita ko lang siya ay masaya na ako. Sagot niya, siya na lang ang pupunta sa gaybar na pinagsasayawan ko.
“Natuwa naman ako sa sinabi niya. Mabuti ngang doon na lang siya magpunta para makapag-usap kami.
“Pero hindi niya tinupad ang sinabi. Hintay ako nang hintay sa kanya sa gaybar pero hindi siya nagpunta. Maski ang mga kaibigan niyang matron na kasama niya noon ay hindi ko na nakita. Malungkot na malungkot ako. Nagtataka ako kung bakit hindi siya nagpunta gayung ipina-ngako niya.’’
“Anong ginawa mo?” Tanong ni Troy.
“Pinalampas ko pa ang isang linggo. Pero wala talaga siya. Isang umaga, lakas-loob akong nagtu-ngo sa bahay niya sa New Manila. Bahala na. Hindi naman siguro masama kung dalawin ko siya.
“Anong nangyari?”
“Nag-door bell ako. Ilang beses kong tinuunan. Walang nagbubu- kas ng gate. Baka walang tao. Tinuunan ko uli. Hanggang sa makarinig ako ng mga yabag na papalapit. Unti-unting nabuksan ang gate. Dumungaw ang maid. Tinanong ko si Mam Kat kung naroon.
“Mataray ang pagkakasabi sa akin. Wala raw si Mam Kat. At huwag na akong pupunta roon. Tulala ako.’’ (Itutuloy)