Alakdan (6)
“PAANONG ginawa mo at naging maaliwalas itong kuwarto na ito?” Tanong ni Digol nang maibaba sa mesa ang mga dalang pagkain.
“Inilipat ko lang ng lugar, Digol. Yung kama mo e inilipat ko rito sa may likod ng pinto para hindi agad makita kapag may natutulog,’’ sabi ni Troy habang nagpapahid ng floor wax.
“E di nakita mo ang mga basura ko diyan, Pinsan. Kakahiya naman sa’yo. Tiyak nakita mo ang condom at kung anu-anong basura, he-he-he.’’
“Ayos lang Digol. Sanay naman akong maglinis ng basura. Sa atin nga e kung anu-ano ang pinasok kong maruruming trabaho.’’
“Burara ako Pinsan, pasensiya ka na.’’
“Ayos lang. Lalampasuhin ko pa itong sahig para magandang tapakan. Maraming buhangin akong nakuha.’’
“Kasi’y mula nang lumipat ako rito e hindi ko nawalisan. Masyado akong busy kasi…he-he-he.”
Ipinagpatuloy ni Troy ang pagpapahid ng floor wax.
“Halika, kumain muna tayo, Pinsan. Mamaya mo na ituloy ‘yan. Bumawi ka rito sa dala kong mga ulam. Masisiyahan ka.’’
Inilagay ni Digol ang mga ulam sa malaking pinggan — pansit, fried chicken, chopsuey, litsong kawali at may softdrink.
Nagsandok ng kanin si Digol.
“Halika na.”’
Naghugas ng kamay si Troy at saka umupo sa plastic na silya. Magkaharap sila ni Digol.
“Tikman mo itong litsong kawali. Da best ‘yan.’’
“Ang dami naman nito Digol. Baka hindi natin maubos yan.’’
“Kaya nating ubusin ‘yan.’’
Kumain sila. Natahi-mik. Masarap nga ang litsong kawali. Pati ang chopsuey. Tamang-tama sa mainit na kanin.
“Nasan na si Mayette, Digol?’’
“Nasa bahay na niya, maligayang-maligaya.’’
“Sa Quiapo kayo nagpunta?”
“Sa langit, Pinsan,” sagot ni Digol at nagtawa.
(Itutuloy)
- Latest
- Trending