May isang Pangit (Wakas)
PARE-PAREHONG gumanda ang buhay ng mga taong tinulungan ni Tibur. Sina Mulong at Gina ay nagkaroon ng sariling bahay at lupa. Pawang maganda ang trabaho ng mag-asawa. Sa itinayong kompanya rin ng Australyanong si George konektado ang dalawa. Maayos ang kanilang pamumuhay.
Si Tornado naman ay naging maayos din ang buhay at nasa engineering department naman ng kompanya ni George. Sabi ni George, gusto niya’y mga Pinoy ang tauhan sapagkat maaasahan at mapagkakatiwalaan sa trabaho.
Makalipas pa ang ilang taon, pinagbakasyon ni Torn ang kanyang Itay at Inay—sina Tiya Encar at Tiyo Nado sa Australia. Iyon daw ang regalo ni Torn sa kanyang ama at ina. Masayang-masaya ang mag-asawa sa pagkakarating sa bansang kinalalagyan ng kanilang anak na si Torn. Sabi ni Tiya Encar, para raw siyang nananaginip. At sa dakong huli, hindi matapos ang kanyang pasasalamat kay Tibur at Alice. Kung hindi raw dahil sa mag-asawa, hindi makakamit ni Torn ang tagumpay na tinatamasa. Niyakap ni Tiya Encar si Alice.
“Ang ganda-ganda mo na ay napakaganda rin ng ugali. Salamat, Alice.’’
“Baka naman maiyak ako, Tiya Encar.”
“Kasi talagang noon pa kita gustong pasa-lamatan. Hindi ko akalain na kami pala ang pupunta rito para pasa-lamatan kayo ni Tibur.’’
“Sa totoo lang, Tiya Encar, si Tibur po ang karapat-dapat pasalamatan. Siya po ang talagang nagsikap para maabot ang pangarap at gusto niya makinabang din ang iba.’’
Tuluyan nang napaluha si Tiya Encar. Nilapitan si Tibur at niyakap. Tinapik-tinapik niya sa likod si Tiya Encar.
“Salamat sa lahat ng binigay mo Tibur.’’
“Okey lang Tiya Encar.’’
NAG-UUSAP sina Tibur at Alice sa kani-lang kuwarto isang gabi. Binabalikan ang mga nagawa.
‘‘Ang sarap ng feeling ko, Alice.’’
‘‘Ako man, Tibur. Ganito pala kapag naka-tulong ka ano.’’
‘‘Natupad lahat ng pangarap ko. Wala na akong mahihiling pa. Pakiramdam ko, ako na ang pinaka-guwapo sa lahat.’’
‘‘Talaga namang guwapo ka Tibur. Ikaw ang tunay na guwapo dahil pati kalooban mo ay nagniningning sa kabutihan.’’
Napangiti si Tibur sa sinabi ng asawa. Umapaw lalo ang saya.
Hinalikan niya ang asawa. Wala na siyang mahihiling pa sa buhay.
(ABANGAN BUKAS ANG ISA NA NAMANG BAGONG NOBELA NI RONNIE M. HALOS.)
- Latest
- Trending