May isang Pangit (85)

SUMUNOD na taon ay si Torn naman ang duma-ting sa Australia. Hindi rin ito makapaniwala sa mabilis na pagkakapunta sa bansang sa panaginip lang maaabot.

Nang sunduin ni Tibur at Mulong si Torn sa airport ay mainit din ang pagtanggap. Sa wakas nagkita rin si Torn at Mulong.

“Kuya Mulong, lagi kang kinukuwento sa akin ni Kuya Tibur. Kabisado ko na nga ang kuwento ng buhay mo. Parang pampelikula. Masyado kang kinawawa ng pulitiko na inakala mo’y mabuting tao.’’

Tinapik-tapik ni Mulong si Torn.

“Alam mo Torn, dahil sa pangyayaring iyon kaya ako tumibay. Noon ko rin naisip na lahat ng mga nangyayari sa ating buhay ay may purpose ang Diyos. Hindi ito basta nangyari. Kung hindi nangyari sa akin iyon, hindi ako magbabalak magtungo sa Saudi na ang ginamit na paraan ay itong kaibigan kong si Tibur. Akalain mo, ito palang kaibigan kong ito ang magbibigay sa akin nang magandang buhay. Kung hindi ako natulungan ni Tibur sa pagpunta sa Saudi, hindi ko makikilala si Gina. Talagang, itong si Tibur ang pinagkakautangan ko ng lahat nang nangyari sa aking buhay.’’

“Diyos muna ang una, Mulong. Ako e instrumento lang,’’ sabi ni Tibur.

Inakbayan ni Mulong si Torn. Malapit na sila sa kinaroroonan ng sasakyan.

“Kumusta naman ikaw Torn? Ikinukuwento ka rin sa akin ni Tibur. Matalino at mabait ka. Palagay ko, magiging katulad ka rin ni Tibur. Yayaman ka rin at mabibigyan ng magandang buhay ang iyong mga magulang. Ganyan ang nakikita ko sa’yo Torn.’’

“Malaki ang utang na loob ko kay Kuya Tibur. Siya po ang nagbigay ng lahat. Kung wala si Kuya, baka hindi ako nakatapos. Hindi kakayanin nina Itay ang malaking gastos.’’

‘‘Pareho tayong may malaking utang na loob kay Tibur. Dapat igawa natin siya ng monumento,  ano Torn?’’

‘‘’Yan din po ang naiisip ko, Kuya Mulong.’’

Sumabad si Tibur. Seryoso.

“Huwag nang monumento. Kung ano lang ang ginawa ko sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa iba. Tulungan din ninyo. Sa ganoong paraan, maraming makikinabang. I-spread ang biyaya ng Diyos. Ganun lang.’’

Napatangu-tango sina Mulong at Torn. Nakita nila ang ibig sabihin ni Tibur. Kakaiba talaga si Tibur. Kung ang lahat ay katulad ni Tibur, magiging walang kasingsaya ang mundo.

(Tatapusin)

Show comments