May Isang Pangit (74)

“AH, alam ko na ang kuwento, Kuya Tibur. Dahil marami kang naipong pera ay mayroong babaing nagpakita ng pagkagusto sa iyo. Pero pera mo lang pala ang hangad ng babaing ‘yun. Kinuha lang ang pera mo at tapos ay nawala na. Di ba binugbog ka pa ng mga tauhan ng ama ng babae?’’

‘‘Tama ka. Matinik ang memorya mo, Torn. Dapat pala sa’yo ay mag-abogado.’’

“Napakinggan ko lang ang pinag-uusapan n’yo ni Inay, Kuya. Naawa nga ako sa’yo. Masyado kang kinawawa ng babaing iyon. Pero di ba nagbayad din naman siya sa ginawa. Di ba masakit din ang nangyari sa babae.’’

‘‘Oo. Kung gaano kasakit ang ginawa sa akin, mas matindi ang nangyari sa babaing iyon.’’

‘‘Pero may naituro ring leksiyon sa iyo ang nangyari, Kuya Tibur?”

“Oo. Huwag agad magtitiwala. Inaamin ko naman na masyado agad akong nahaling sa babae at akala ko totoo na nga ang nararamdaman sa akin. Hindi pala. Naging tanga ako, Torn. Kasi naman, unang pagkakataon na mayroong babaing nagpakita ng pagkagusto sa akin.’’

“Pero ang nakahahanga sa iyo, Kuya e sa halip na magmukmok ka dahil sa nangyari e nagsumikap kang bumangon. Kung hindi ka lumuwas ng Maynila at naghanap ng trabaho, baka hanggang ngayon ay narito ka pa sa bukid at nakababad sa putik.’’

“Posible ang sinabi mo, Torn. Talagang nilakasan ko ang loob. Kahit na wala akong kakilala sa Maynila, lumuwas ako. Alam mo ang mahalagang baon ko sa pagluwas ng Maynila?”

“Ano, Kuya?”

“Dasal. Matinding pagdadasal.”

Napatangu-tango si Torn. Humahanga kay Tibur.

“Akalain mo, sa bus pa lamang na patungong May­nila, sinagot na agad ng Diyos ang dasal ko….”

“Ah dahil nakilala mo ang isang matandang babae na nag-alok sa iyo ng tirahan sa Maynila.”

“Oo. Ang galing talaga ng memorya mo, Torn.”

“Tapos, may anak ang matandang iyon na nagpasok naman sa iyo bilang gardener sa UST.”

“Tama ka na naman, Torn.”

“Tapos sa UST mo nakilala ang kaibigan mong matalik.’’

“Oo, si Mulong.’’

“Tapos sa UST, nag-abroad ka. Sa Saudi ka nagpunta at super bait ang amo mo roon.’’

“Oo. Nagdasal din ako nang matindi kaya ako nagkaroon nang magandang trabaho at mabait na amo.’’

“Pinag-aplay mo ang iyong kaibigan sa Saudi kaya naroon siya ngayon?’

“Oo. Gusto ko, maging maganda ang buhay ni Mulong. At ganyan din ang iniisip ko para sa inyo, Torn. Gusto ko, maranasan din ninyo ang maganda at maalwang buhay.”

(Itutuloy)

Show comments