NAGBIGAY ng inspirasyon kay Tibur ang pagkakasilang ng kanilang panganay na anak. Lalo pa siyang nagsikap at dinoble pa ang sipag sa pagtatrabaho sa farm. Hangang-hanga ang Austral-yanong si George (asawa ni Ate Rosa) kay Tibur dahil mapagkakatiwalaan si Tibur. Kabisadung-kabisado ang trabaho. Sanay na sanay.
Umunlad pa ang business ni George na gawaan ng strawberry jam. Lumaki ang planta nila. Nadagdagan pa ang mga worker. Karamihan ay mga Pinoy pa ang nakuhang worker.
Lumawak pa ang taniman ng strawberry ni George. At wala siyang ibang pinasasa-lamatan sa pag-boom ng kanyang strawberry business kundi si Tibur. Naalagaan nang husto ni Tibur ang farm. Para kay George, si Tibur ang taong hinahanap niya. Suwerte sa kanya si Tibur.
Dahil sa pagtitiwala ni George kay Tibur, pinasuweldo niya ito nang malaki. Lahat nang kailangan ni Tibur at pamilya nito ay ibinigay ni George. Tuwang-tuwa naman si Tibur sa pagtitiwala sa kanya ng Australyano. Naisip pa ni Tibur na talagang masuwerte siya kapag napakabit sa foreigner. Noong nasa Saudi siya, gustung-gusto rin siya ng kanyang employer na si Abdullah. Ibinigay din ni Abdullah ang lahat ng kailangan niya. Nagustuhan din ang trabaho niya.
Yumaman sina Tibur at Alice. Nakabili sila ng bahay, lupa, kasangkapan at iba pa. Hindi akalain ni Tibur na magkakaroon siya nang sobra-sobrang pera. Pero kahit na marami na siyang pera, nananatili pa ring nakatapak siya sa lupa. Siya pa rin ang Tibur na mapagkumbaba.
Nasundan pa ang anak nina Tibur at Alice. At para kay Tibur, wala na siyang mahihiling pa. Ibinigay na lahat ng Diyos ang kailangan niya.’
(Itutuloy)