May Isang Pangit (53)

“NANG sumagot ako kay Alice, mas mainit ang pagkakalahad ko na sabik na sabik na ako sa kanya. Gustung-gusto ko na siyang makita at ayaw ko nang magkalayo pa kami. Kung nasaan siya, gusto ko naroon din ako. Ipadadama ko sa kanya ang lubos kong pagmamahal. Sa lalong madaling panahon, gusto kong magkita kami.

“Ang lahat ng mga nangyayari sa pagsusulatan namin ni           Alice ay ikinuwento ko kay Gina at Mulong. Tuwang-tuwa ang dalawa. Si Mulong ay walang tigil sa pagtapik sa balikat ko. Sa wakas daw ay magkakaroon na ako ng kasama sa kama. Matagal na raw niyang ipinagdarasal na magkaroon ako ng kasama. Ngayon daw ay magkakaroon na siya ng kapanatagan dahil nakasisiguro siyang mabuti ang ha-hantungan ko.

“Sabi naman ni Gina, napakasuwer­te ko dahil si Alice ang makakasama ko habambuhay. Bagay na bagay daw kaming dalawa.

“Sabi ni Gina, dapat pumunta na ako sa Australia para magkita na kami. Kilig na kilig siya. Magbakasyon daw muna ako para maisaayos ko ang lahat para sa amin ni Alice.

“Hindi pa man nang­yayari ang mga sinasabi ni Alice, ay nakita kong may lungkot sa mukha ni Mulong. Siguro’y dahil sa hindi na kami magkakasama. Pero agad din namang naging masaya si Mulong at sinabing huwag ko raw silang kalilimutan ni Gina kapag maganda na ang buhay ko sa Australia.

“Hinampas ko sa balikat si Mulong at sinabing hindi ako marunong makalimot sa mga kaibigan. Kilala na niya ako. Kahit pa gumanda ang buhay ko, mananatili pa rin ako sa ibaba. Walang magbabago sa akin. Kung ano ang mukha ko ngayon, iyon pa rin ang mukha ko sa hinaharap. Hindi ako magpaparetoke, sabi ko pa at saka sinundan ko ng halakhak. Nagtawa rin sina Mulong at Gina.

(Itutuloy)

Show comments