May Isang Pangit (44)

“ALICE ang pangalan ng babaing sinulatan ko sa Australia. Hindi pa uso noon ang email at text kaya sulat lang ang paraan para kami magkaroon ng komunikasyon. Bago ko ipinadala ang sulat sa kanya ay ilang beses kong nirebyu. Sa Tagalog ko isinulat dahil hindi naman ako marunong magsulat sa English. Sinabi ko ang lahat ukol sa sarili ko. Iyon naman ang payo sa akin ni Gina na asawa ni Mulong.

“Matapos kong ipadala ang sulat kay Alice, ay agad ko namang ibinalita kay Gina at Mulong. Tuwang-tuwa si Gina. Sigurado raw na sasagutin agad ni Alice ang sulat ko. Sabi ko naman, sasagutin niya at sasabihin na basted ako. Nagtawa si Gina. Lumabas na naman daw ang pagkaawa ko sa sarili. Huwag daw ganoon. Dapat daw laging positive ang isipin ko para maganda ang kalalabasan.

“Pinalakas ni Mulong ang loob ko. Kapag daw naging magkasintahan kami ni Alice ay magpaparty siya dito sa tirahan nila. Mang-iimbita siya ng mga kasamahan namin sa farm at pati mga kasamahan ni Gina. Magse-celebrate daw dahil sa wakas ay magkakaroon na ako ng makakasama sa buhay.

“Sabi ko naman ay huwag muna siyang magbilang ng sisiw habang hindi pa napipisa ang itlog. Pero sabi ni Mulong, malakas ang kutob niya na matatapos na ang pagkabinata ko. At baka talunin ko pa siya dahil taga-Australia ang mapapangasawa ko. Kapag nagkataon daw, matitikman ko ang manirahan sa Australia. Napakaganda raw ng buhay sa bansang iyon.

“Napangiti lang ako. Kasi’y wala naman akong hilig magtungo sa ibang bansa. Kung hindi nga lang gusto kong magbago ang buhay ko, baka hindi ako nagtungo rito sa Saudi. Kung papipiliin, gusto kong sa Pilipinas na lang.

“Lumipas ang isang buwan at wala akong natang­gap na sulat mula kay Alice. Hindi ko pinansin. Nang tanungin ako ni Gina nang magtungo sa kani-lang tirahan, kung may natanggap akong sulat, sabi ko’y wala. Nalungkot si Gina. Akala raw niya ay may natanggap na ako.

“Lumipas pa ang isang buwan at wala pa rin akong natanggap. Tuwing magkikita kami ni Gina    ay kinukumusta iyon. Sabi ko wala pa rin. Baka raw busy si Alice.

“Hindi na ako umasa na darating ang sulat. E ano ba kung hindi niya sagutin?”

(Itutuloy)

Show comments