“NAKITA raw niya ang isang kababayan habang naglalakad at inanyayahan siya sa tirahan nito. Malapit lang daw. Nagkataon naman na birthday pala ng asawa ng kababayan niya. Matagal na raw dito ang mag-asawa. Narito rin ang mga anak. Pero hindi raw iyon ang dahilan kaya siya masaya. Naging masaya siya dahil may nakilala siyang babaing bisita roon. Kaibigan daw ng kababayan niya.
“Ayon kay Mulong, Gina ang pangalan ng babae. Ipinakilala raw sa kanya si Gina. Isang maintenance worker si Gina sa hospital. Dalaga. Nagkuwentuhan daw sila ni Gina. Marami raw silang pinagkuwentuhan. Masarap daw kausap si Gina. Hindi raw nila namalayan ang paglipas ng oras.
“Nagpaalaman na sila. Pero bago raw sila nagkahiwalay ay mayroong ipinahiwatig si Mulong kay Gina. Mga mata lamang umano nila ang nag-usap.
“Kaya pala masayang-masaya si Mulong ay dahil may nakilala siyang babae. At sabi ni Mulong, ngayon lamang uli siya nakadama ng ganoong klase ng kaligayahan. Mula nang mamatay si Janice, ngayon lang may tumibok sa puso niya.
“Biniro ko si Mulong na baka si Gina na ang kapalit ni Janice. Sagot ni Mulong ay maaaring ganun na nga. Kasi raw nang una niyang makita si Gina, may kakaibang kaba na siyang naramdaman. Hindi niya alam kung bakit. Iyon na yata ang tibok ng pag-ibig. Basta naging masaya siya mula nang makilala si Gina.
“Sabi ko kay Mulong, sa pagkikita nila ay mag tapat na siya. Para matiyak niya kung silang dalawa nga ba ang magkakatuluyan. Para lalo pa siyang maging masigla.
“Nang muli silang magkita ni Gina sa bahay ng kababayan, nagtapat na si Mulong ng pag-ibig. Wala nang paliguy-ligoy pa. Noon din ay nagkaunawaan sila.”
(Itutuloy)